MARK Andrei Marcos. Iyan ang pangalan ng pinaka-bagong biktima umano ng hazing mula sa isang fraternity sa San Beda College of Law. Noong Pebrero, may namatay rin na estudyante ng San Beda College of Law, si Marvin Reglos, na biktima rin ng hazing. Ewan ko lang, pero kung may anak kayo na gustong maging abogado, mag-isip-isip kayong mabuti at mukhang mas dumadami na ang mga namamatay sa propesyong ito, sa kolehiyo pa lang! At malamang, hindi makakamit ang hustisyang hinahanap. Paano lalabanan ang isang organisasyon na puro abogado ang miyembro at may nasa hudikatura pa? Paano uusad ang kaso?
Ang gusto kong sisihin ngayon ay ang mga alumni ng mga fraternity na iyan. Sila ang dapat gumagabay sa mga nagbibigay ng mga “initiation”. Sila ang dapat umaawat kapag sumosobra na ang pananakit. Sila ang dapat nagbabantay sa mga bagong miyembro! Kung bakit kailangang manakit para maging kasapi ng fraternity ay hindi ko maintindihan!
Ang pananakit ay parang droga. Kapag naumpisahan, mahirap huminto. Likas na bayolente ang tao. Ang iba, kayang kontrolin at ang iba, hindi. At likas din sa tao ang matuwa kapag nangingibabaw na sa isang kalaban. Maging sa laro, o digmaan. Ang kasaysayan ng tao magmula pa sa simula ng sibilisasyon ay puno ng mga taong gustong lupigin ang iba. Kaya delikado ang hazing. Gumagawa ka ng sitwasyon kung saan may pahintulot manakit ang ilan sa mga taong hindi lalaban! Kapag nag-umpisa na iyan, tuloy-tuloy na! Pasukan pa ng alak at siguro iligal na droga, malamang bangkay na ang resulta! Pero ang lahat na iyan ay puwedeng kontrolin kung may mga alumni na magbabantay sa buong proseso. May alumni na nasa tamang isip at paniniwala. May alumni na alam ang ibig sabihin ng tunay na fraternity. Ang mahirap, tila may kunsinti pa ang mga alumni!
Ayon sa isang alumni ng law fraternity, hindi dapat ganito ang initiation ng neophytes. Ang layunin ng initiation ay para may mamuong pagkakaisa sa mga miyembro ng fraternity. Katulad ng pagkakaisang nabubuo ng mga sundalo. Sa madaling salita, pare-pareho kayong may pinagdaanang kahirapan, at nagtagumpay. Maganda rin ang maging miyembro ng isang fraternity dahil sa koneksyon na makukuha mo kapag abogado’t ginagampanan na ang iyong propesyon. Kung walang nasasaktan at namamatay, tatanggapin ko lahat ng mga katwiran na iyan. Kung lahat lang ng alumni ay katulad nitong nakausap ko, walang lubhang masasaktan, walang mamamatay! Ang problema, puro mga sangganong binigyan ng pahintulot na mambugbog ng tao ang tunay na nagaganap sa mga hazing. Fraternity pa ba ito?
Nakikiramay ako sa mga kapamilya ng bagong biktima. Pero sinasabi ko na, mahihirapan silang makamit ang hustisya para sa kanilang mahal sa buhay. Meron na bang nakulong sa mga nakaraang kaso ng hazing kung saan may namatay rin? Wala. Dahil buhay na buhay ang fraternity ng mga abogado, na isinilang mula sa kapatirang palso!