Nawindang na pag-ibig
SI Julie ay 15-anyos. Nagkagustuhan sila ni Romy na dalawang taon ang tanda sa kanya. Hindi gusto ng mga magulang ni Julie si Romy. Sa katunayan, mayroon silang ibang lalaking gusto para kay Julie. Kaya lang, kahit anong gawin nila ay wala pa rin silang magawa para hadlangan ang pag-iibigan nina Julie at Romy. Nagtalik ang dalawa at nabuntis si Julie.
Noong anim na buwan na ang ipinagbubuntis, hindi na maitago ni Julie ang kondisyon sa mga magulang at pinipilit siyang ipakasal sa ibang lalaki. Lumayas si Julie at dumiretso sa isang judge na kanyang kakilala. Nagmakaawa siya sa judge na kupkupin siya at kunin ang kustodiya sa kanya hanggang makatuntong sa hustong edad at puwede na silang magpakasal ni Romy.
Nang malaman ito ng mga magulang, nagsampa sila ng kaso sa korte upang mabawi ang kustodiya kay Julie. Sabi naman ni Julie, nawalan na ang kanyang mga magulang ng karapatan sa kanya dahil sa kanilang marahas na pagtrato. Pati daw ang personal niyang kalayaan ay pinakikialaman ng mga ito at gusto pang gawin niya ang pinakamabigat na sakripisyo, ang magpakasal sa isang lalaking hindi niya gusto imbes na sa lalaking mahal na mahal niya. Puwede bang mabawi ng mga magulang ni Julie ang kanilang anak?
PUWEDE. Maari ngang kapag pinakasalan niya ang lalaking kanyang minamahal ay magiging masaya siya ngunit hindi naman pinapayagan ng batas na tanggalan ng awtoridad ang magulang dahil lang pinipilit nila na magpakasal ang kanilang menor-de-edad na anak laban sa kanyang kalooban o dahil ayaw pumayag ang mga ito na magpakasal siya sa lalaking hindi nila gusto. Ang mga batang menor de edad, dahil sa hindi pa kumpletong pag-iisip at kakulangan ng sapat na pang-unawa at kawalan ng karanasan sa mundo, ay nangangailangan ng gabay, pangangalaga at kalinga ng kanilang mga magulang upang mapigilan ang kapusukan ng kanilang damdamin na madaling marahuyo ng ilusyon ipinakikita ng mundo. Hindi pa ganap ang kanilang pang-unawa sa mga bagay-bagay at hindi pa nila kayang pagtagumpayan ang mga tukso na magdadala sa kanila sa gulo.
May kontra opinyon naman ang ibang mahistrado ng Supreme Court na nagsasabing ang mga kilos ng magulang ni Julie ay papasok sa tinatawag na malupit na pagtrato nila sa anak sapagka’t ito’y nagbibigay ng moral pain na hihigit pa sa kahit anong pisikal na pananakit na magagawa nila sa anak, kaya sapat na ito para tanggalan sila ng karapatan sa dalaga (Salvana, et. Al. vs. Gaila, 55 Phil. 680).
- Latest
- Trending