MABUTI naman at matibay ang paninindigan ni President Noynoy Aquino na huwag nang buhayin ang isyu sa Charter change (Cha-cha). Sa lahat nang naging presidente (mula kay Ramos, Estrada at Arroyo) si P-Noy lang ang laban sa Cha-cha. Para sa kanya, kahit hindi amyendahan ang Konstitusyon maaaring umunlad ang ekonomiya ng bansa. Positibo siyang babangon ang bansa.
Panahon pa ni President Fidel Ramos nang uminit ang usapin sa Cha-cha. Marami raw dapat baguhin sa 1987 Constitution lalo ang may kinalaman sa economic provisions. Pero ibinasura ang balak na pag-amyenda.
Noong si Joseph Estrada ang presidente, lumutang na naman ang Cha-cha. Subalit gaya ng panahon ni Ramos, ibinasura rin ito. Negatibo ang nakikita. Gustong mapalawig ng mga pulitiko ang termino ng kanilang panunungkulan. Hindi naipilit ang Cha-cha.
Sa panahon ni President Gloria Macapagal-Arroyo, lalong naging mainit ang usapin sa Cha-cha at muntik-muntikanan na dahil maraming kaalyado ang administrasyon. Dapat na raw maamyendahan ang Constitution para magkaroon ng pagbabago sa bansa. Uunlad daw ang ekonomiya. Magkakaroon nang hanapbuhay ang maraming Pilipino sapagkat papasok ang mga mamumuhunan. Pero hindi na naman nakalusot sapagkat halatang-halata na kaya gustong magka-Cha-cha ay para ma-extend ang panunungkulan ng mga nasa puwesto.
Ngayong si P-Noy nga ang nasa puwesto, hinuhukay at pinipilit buhayin ang bangkay ng Cha-cha. Pero nagkamali ang mga nagsusulong sapagkat sinabi mismo ni P-Noy na laban siya sa anumang uri ng pag-amyenda sa Constitution. Hindi raw ito kailangan.
Tama si P-Noy na kahit walang Cha-cha ay uunlad ang ekonomiya ng bansa. Babangon at magkakaroon ng mga pagbabago. Sana lang, madama na ang sinasabing pagbabago at paglago ng ekonomiya na sinabi niya sa SONA. Kung hindi pa madarama ang sigla ng ekonomiya, baka mainip ang taumbayan. Madaling mabugnot ang mga nagrerebelde ang bituka.