Krimen ay nalulutas dahil sa CCTV
MARAMING napamaang nang sabihin ni President Aquino sa kanyang SONA na bumaba na ang kriminalidad sa bansa. Saan kinuha ni P-Noy ang datos? Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang sabihin naman ni PNP chief Dir. Gen. Nicanor Bartolome na tumaas ang kriminalidad sa bansa. Sino ang tama kina P-Noy at Bartolome?
Pero kung talagang gusto nina P-Noy at Bartolome na bumaba ang kriminalidad, ang dapat nilang gawin ay buhayin ang CCTV cameras na ikinalat sa lansangan noon ni dating NCRPO chief ret. Gen. Boysie Rosales. Maraming krimen na nakuha ng CCTV ang naresolba ng pulisya. Ang nakawan sa Robinson’s East Mall sa Pasig City ay nakunan ng CCTV. Tinutugis na ang mga suspects. Maging si Bartolome ay nanawagan sa business establishments na magpakabit ng CCTV para makatulong sa pulisya sa paglutas ng krimen.
Pero paano makukumbinsi ni Bartolome ang mga business owners kung ang PNP mismo ay walang ginawa para isulong ang CCTV project ni Rosales? Sa napakaraming 42 inches na LCD TV monitor na ikinabit ni Gen. Rosales para imonitor ang kaganapan sa mga lansangan, halos lima na lang ang gumagana. Eh napakalaki ng Metro Manila para i-monitor ng limang TV, di ba mga suki?
Sabi ng mga kausap ko, kailangan ni Bartolome ng P9 milyon na pondo para ipagpatuloy ang operasyon ng CCTV camera ng NCRPO. At mukhang walang plano si P-Noy o Bartolome na maglabas ng pondo para rito. Isama na si NCRPO chief Dir. Alan Purisima na imbes na magtrabaho laban sa kriminaldad ay naghihintay lang ng panahon para maupo bilang kapalit ni Bartolome sa Marso.
Kalat naman sa limang distrito ng pulisya na laway lang ang puhunan ni Rosales para ikabit ang CCTV cameras. Ni singkong duling ay walang ginasta ang PNP dito. Ang mga negosyante at pulitiko na kaibigan Rosales ay kusang nagbigay para sa pondo. Sa pagkaalam ko, ang intelligence fund ni dating President Arroyo at PAGCOR ay nag-ambag din dito.
Bakit ang mga heneral ni P-Noy ay hindi makaga-wa ng paraan para makakalap ng pondo para maituloy ang CCTV program ng PNP? Mahina talaga ang mga heneral ni Pinoy sa PNP at walang tiwala sa kanila ang mga negos-yante? Kailangan pa bang tumaas lalo ang kriminalidad bago kumilos ang mga heneral ni P-Noy? Abangan!
- Latest
- Trending