MAY nakatakas na namang mga preso. Ano ba ang nangyayari sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at laging may nakakatakas na preso? Hindi kaya dumating ang panahon na wala nang matitira sa mga bilangguan sapagkat nakatakas nang lahat ang mga preso? Ang nakapangangamba, pawang mga pusakal na criminal ang nakakatakas.
Noong Linggo na malakas ang ulan, 12 preso sa Ozamis City jail sa Bgy. Tinago ang nakatakas. Nilagari umano ng mga preso ang rehas na bakal. Ayon sa Philippine National Police (PNP), sinamantala ng mga preso ang malakas na buhos ng ulan kaya nakatakas. Wala umanong namalayan ang mga jailguard habang ginagawa ang pagtakas. Hanggang sa kasalukuyan, tinutugis pa ang mga tumakas na umano’y may mabibigat na kaso. Maaari umanong sibakin ang warden at mga guard ng Ozamis City jail.
Ano nga ba ang nangyayari sa mga jail na tila malalambot ang rehas at sa isang iglap ay nakatatakas ang mga kriminal? Hindi kaya dapat nang magkaroon nang balasahan mula itaas hanggang ibaba para magkaroon ng pagbabago? Kung linggu-linggo ay may makakatakas sa mga jail, delikado ang seguridad ng mamamayan.
Noong nakaraang Hulyo 10, 11 preso ang nakatakas sa Cotabato provincial jail. Nilagari rin ng mga preso ang rehas sa kubeta ng jail at umakyat sa pader. Isa sa mga nakatakas ay si Datukan Samad alyas “Lastikman”. Si “Lastikman” ay miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at responsable sa maraming kaso gaya ng kidnapping, pambobomba at pagnanakaw. Hanggang ngayon, wala nang narinig na balita kung nahuli na si “Lastikman” at 10 iba pa. Lubhang delikado si “Lastikman” sapagkat maaaring maghasik ng lagim sa pamamagitan ng pambobomba.
Isang araw bago ang pagtakas nina “Lastikman”, pinuri pa ni President Noynoy Aquino ang BJMP dahil 60 percent umano ng mga nakatakas na bilanggo ay nadadakip. Sabi ni P-Noy, mahusay ang pinatutupad na sistema ng BJMP. Pinuri rin niya ang pagiging alerto ng mga jailguard.
Dapat siguro, suriing mabuti kung nagagampanan ba ng mga namumuno sa BJMP ang kanilang tungkulin. Dapat pag-aralan ng presidente kung dapat magkaroon ng revamp sa BJMP. Hindi na naka-tutuwa ang madalas na pagpuga ng mga bilanggo.