Budget issue sa 2013 polls

SALAMAT naman at maghaharap ngayon sa Malacañang ang Pangulong Aquino, Budget Secretary Butch Abad at COMELEC Chair Sixto Brillantes kaugnay ng tapyas sa budget para sa darating na May 2013 elections. Sabi ng Pangulo, magsisilbi lang siyang “referee” sa usapan nina Brillantes at Abad.

Kundi pa nagbantang magbibitiw sa puwesto si Brillantes kapag hindi ibinalik ang nabawas na pondo ay hindi pa siguro maidaraos ang ganitong usapan.

Sabi kasi ni Brillantes, kapag hindi ibinalik ang binawas sa pondo, malamang hindi matuloy ang halalan o kaya’y malamang bumalik sa manu-manong bilangan. Kung ako ang nasa kalagayan ni Brillantes ay malamang nga na magbitiw ako kaysa masisi kapag pumalpak ang napipintong eleksyon.

Dati-rati’y P13 billion ang nakalaang budget para sa eleksyon pero ito’y ibinaba ng Budget Department sa P8 billion. Kung tutuusin, sinabi ni Brillantes na ang hinihiling nila’y gawing P24 billion ang pondo pero imbes ibigay ang kahilingan ay lalu pang binawasan. Iyan ang dahilan kung bakit nairita si Brillantes. Aniya, kundi man maitataas sa P24 billion, ibalik na lang sa dating P13 billion. Magandang compromise na iyan.

Sana naman ay magkaroon ng win-win solution sa isyung ito. Mahalaga ang halalang darating at kung ibabalik sa manual counting ay hindi malayong uulan na naman ng mga election protest at bintangan ng mga pandaraya.

Tiniyak naman ng Pangulo na kung talagang mapatutuna­yan ang deficiency sa pondo para sa papalapit na eleksyon, mapipilitan ang pamahalaan na humanap ng source of fund para matuloy lamang ang computerized elections.

Naniniwala ako na hindi masasayang ang ano mang karagdagang pondo kung ang kapalit nito ay isang halalang patas at walang dayaan.

Napatunayan na natin ang bisa ng computerized elections sa pagtatamo ng malinis na halalan kaya hindi ito dapat masakri-pisyo dahil lamang sa kakulangan ng pondo.

Show comments