Meat labelling
KAILANGANG matiyak na malinis at ligtas ang mga karne na binibili at kinukonsumo sa ating bansa. Ito ang iginiit ng aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada, pangunahing nag-akda ng Senate Bill 2746 (Meat Labelling Act) na pinagtibay kamakailan ng Senado.
Partikular na itinatakda ng panukala ang paglalagay ng wasto at kumpletong label sa mga karne upang maprotektahan ang mga consumer. Marami kasing insidente kung saan ay ilang tiwaling negosyante ang nanlilinlang ng mga mamimili. Saklaw ng panukala ang lokal at imported meat products.
Sa nasabing panukala, dapat may label ang lahat ng meat products na inilalako sa merkado. Kailangang nakasaad sa label ang pinanggalingan ng karne upang malinaw na matukoy kung saan pinalaki at inalagaan ang hayop na pinagmulan ng karne at kung saan ito kinatay at iprinoseso. Kailangan ding nakasaad sa packaging kung may idinagdag na kemikal upang gawing kaaya-aya ang hitsura ng karne.
Kapag naging ganap na batas, ang sinumang lalabag ay pagmumultahin ng mula P10,000 hanggang P50,000 at makukulong nang mula anim na buwan hanggang dalawang taon. Ang naturang hakbangin ay inaasahang ibayong mapapalakas sa isang administrative order ng Department of Agriculture na nagbalangkas ng mandatory labelling sa imported meat products.
Ang panukalang Meat Labelling Act ay malaking hakbang upang matiyak ng publiko na malinis, ligtas at may aprubadong kalidad ang lahat ng meat products na ating binibili at kinukonsumo.
* * *
Birthday greetings: Bishop Leopoldo Jaucian ng Bangued (July 27); Reps. Julieta Cortuna ng A Teacher partylist (July 28); Rodante Marcoleta ng Alagad partylist (July 29) at Teddy Brawner Baguilat, Jr. ng Ifugao (July 30).
- Latest
- Trending