MARAMING pakinabang sa niyog kaya tinaguriang “tree of life”. Lahat ng parte ng niyog ay napapakinabangan at napagkakakitaan. Mula sa katawan, dahon, bunga ay napakikinabangan. At ngayon pati ang sabaw ng buko o murang niyog ay napagkakakitaan. At sa maniwala at sa hindi, pati pala ang bunot ng niyog ay napapakinabangan din. Kahanga-hanga ang halamang ito.
Nang magtalumpati si President Aquino noong Lunes sa kanyang ikatlong State of the Nation Address, inilahad niya ang napapakinabang ng bansa sa halamang niyog. Kagulat-gulat ang tatamasahin ng bansa at mga magsasaka ng niyog kung maaalagaan nang husto ang halamamg ito. Sinabi ng Presidente: “Tingnan po natin ang industriya ng niyog. Ang cocowater na dati tinatapon lang, ngayon, napapakinabangan na ng magsasaka. Noong 2009-- 483,862 liters ng cocowater ang iniluwas natin. Umangat po ito ng 1,807,583 liters noong 2010. Huwag po kayong magugulat: noong 2011-- 16,756,498 liters ng cocowater ang inexport ng Pilipinas. Ang coco coir naman, kung dati walang pumapansin, ngayon may shortage na dahil pinapakyaw ng mga exporter. Hindi natin sasayangin ang pagkakataong ito: Bibili pa tayo ng mga bagong makinang magpoproseso ng bunot para makuha ang mga hibla. Sa susunod na taon, lalo nating mapapakinabangan ang industriya ng niyog: Naglaan na tayo ng 1.75 billion pesos upang mamuhunan at palaguin ito.”
Maganda talaga ang hinaharap ng bansa kung mapagtutuunan ng pansin ang mga niyog. Pero alam kaya ng Presidente ang nangyayaring pagpatay o pagputol sa mga niyog para pagkakitaan ang katawan nito? Alam kaya niya na marami nang namamakyaw ng mga negosyante para gawaing coco lumber ang mga niyog. Halimbawa na lamang ay sa Oriental Mindoro na ang pangunahing produkto ay niyog. Maraming niyog ang pinuputol sa nasabing probinsiya at ginagawang coco lumber. Binibili ang bawat puno ng P300 o mahigit pa. Ang masaklap, hindi na pinapalitan ang mga pinutol na niyog. Hindi nagtatanim ng kapalit.
Saan kukuha ng buko juice o coco water sa mga susunod na panahon kung pinuputol na ang mga niyog? Malakas ngayon ang coco water pero bukas o sa makalawa, wala na. Ubos na ang pagkukunan dahil ginawa nang coco lumber. Atasan ng Presidente ang Dept. of Agriculture na ipagbawal ang pagputol sa mga niyog.