HINDI kumbinsido ang sambayanan sa State of the Nation Address (SONA) ni President Noynoy Aquino noong Lunes. Kasi, ang binatayan ng kanyang report ay 2011 lamang at hindi pa nakasama ang first quarters ng 2012. Dahil ang pinaka-aabangan ng mga nagugutom at nasisindak na Pinoy ay ang report nito sa criminality campaign ng Philippine National Police. Batay sa talaan ng PNP, tumaas ang krimen ngayong 2012 kumpara noong 2011. May katwiran ang report na ito dahil araw-araw natin nababasa sa mga pahayagan at napapanood sa television ang mga karumal-dumal na pagpatay ng mga riding-in-tandem at mga holdaper.
Sa totoo lang, mula Enero hanggang sa kasalukuyan, umaabot na sa pitong pulis ng Manila Police District ang pinatay. Wala nang sinasanto ang mga kriminal dahil pati pulis ay nagagawa nilang patayin. Paano na lang ang mga sibilyan kung patuloy na gagala ang mga kriminal? Maging ang mga barangay chairman ay nagpapatayan sa loob ng barangay hall. Binaril ni Chairman Jonathan Florendo ang kapwa chairman na si Hilario Romano noong Sabado ng gabi sa Sampaloc, Manila. Siguro, dahil nalalapit na ang 2013 election kaya sila nagtatalu-talo. Kulang naman ang kampanya ng PNP sa loose firearms kaya nakagagala ang mga kriminal.
Noong Sabado rin ng gabi, pinagbabaril ng apat na kalalakihan ang Pilipino Star NGAYON at PangMasa (PM) columnist na si Nixon Kua at kapatid na si Allyxon sa loob mismo ng eksklusibong subdivision sa Calamba, Laguna. Sapilitang inagaw ang clutch bag ni Nixon na naglalaman ng P90,000 na pansuweldo sa mga trabahador na nagla-landscape sa kanilang tahanan sa AyalaLand Greenfield Subdivision, Makiling Highland, Bgy. Maunong, Calamba City. Namatay si Nixon noong Lunes ng gabi. Naaresto naman ang apat na suspek na sina Noel Garcia, Jhon Cortez, Darwin Samiano at Michael Molino. Bagama’t madaling nalambat ang killers ni Nixon dahil sa P200,000 rewards na inilatag ni Gov. ER Ejercito, hindi mawala sa aking isipan at maging sa pamilya ni Nixon na may kakutsaba pa sa loob ng subdivision na dapat tutukan ni Laguna Police chief Sr. Supt. Gilbert Cruz. Kung hindi malilipol ang mga ito, tiyak na makagagawa pa ng krimen sa iba pang residente.
Calling President Aquino, ikumpas mo na ang iyong kamay sa PNP para malipol ang mga kriminal sa lansangan. Ibalik mo na rin ang parusang bitay! Abangan!