^

PSN Opinyon

'Mga Tinik sa Rosas' (Ikalawang Bahagi)

- Tony Calvento - The Philippine Star

“She’s a free and gentle flower, growing wild..”

Tulad ng linya sa isang kanta, maihahambing pa sa isang umuusbong na bulaklak ang 16 na taong gulang na si “Mica”(‘di tunay na pangalan).

Mura pa ang isip at katawan at dapat pa siyang alagaan ngunit hindi nangangahulugang siya’y isisilid sa isang lalagyan. Kailangan pa rin siyang makahinga. Hayaang mapatakan ng hamog at sikatan ng araw. Darating ang panahon na ito’y sisibol rin ng husto.

Subalit sa halip na wisik lamang, bagyo ang pumupog sa kanyang bubot na pagkatao. Sarili niyang luha ang dumidilig para sa kanyang ganap na paglaki.

 “Mahigpit po kayo masyado Mommy. Nasasakal po ako,” ito ang hinaing ni Mica nang makausap niya sa telepono ang kanyang Lola sa tuhod na si Estela.

“Ginagawa ko yun dahil maganda ka,” mahinahong tugon ni Estela.

Noong nakaraang araw ay tinampok namin ang istorya ni “Mica” at ito umano’y ‘nawawala’.

Ang huling kinaroroonan daw nito ay sa Bukid Kabataan sa Cavite. Napag-alaman namin na ang ‘shelter’ na ito ay para sa mga batang edad anim hanggang 16 na nakaranas ng pisikal at sekswal na abuso at pang-aabandona lamang.

Ang lumapit sa amin tungkol dito ay si Estela Fajardo—82 taong gulang, at si Maritess Soliman—34 taong gulang na tiyahin ni Mica.

Inirereklamo ng dalawa na hindi pinagbigay alam umano sa kanila ng mga namamahala ng ‘shelter’ kung saan napunta ang bata.

“Sinungaling yang mga madre na yan eh! Nawawala daw yung bata pero alam nila kung nasaan siya? Sabi, nakatakas raw at napunta sa ‘prostitute house’ sa Cebu.”, nanggagalaiting sinabi ni Estela.

Agad kaming nakipag-ugnayan sa mga institusyon. Dito bumukas sa amin ang isang madilim na katotohanan.

“Hindi po biro ang dinanas ni Mica,” sabi ng ‘social worker’ sa Bukid Kabataan na si Marriane Letigan nang makausap namin sa telepono.

Tuwing pipikit si Mica sa pagtulog, hindi magagandang panaginip ang dumadampi sa kanyang isip. Paulit-ulit ang mala-halimaw na mukha ng kanyang lolo, tiyuhin at mga pinsan.

Ang ‘hawak’ ng kanyang tiyong si Luis Milagrin ay hipo. Ang trato ng kanyang lolo sa kanya ay malaswa. Pati ang kanyang mga pinsan umano ay ‘nakisawsaw’.

Wala pang dose anyos nang siya’y paulit-ulit ginahasa umano. Nagbunga ang panghahayop kay Mica nang siya’y mag-12 taong gulang.

Pinaampon umano nila Tess ang ipinagbuntis ni Mica. Maaring ang ama daw nito ay si Luis—na kinakasama ni Tess noon.

Ayon kay Tess, nagtrabaho daw bilang katulong si Mica noong 14 na taong gulang na ito. Ang prublema ay napapalapit umano ito sa among lalaki.

“Ayaw nga niyang mag-aral. Pumasok siyang katulong sa kapitbahay namin sa Binangonan. Nakikita-kita daw na nakikipag-inuman sa among lalaki. Pinabarangay pa namin yan,” ito ang kwento sa amin ni Tess.

Nang makausap naman namin si Mica sa telepono, kinuwento niyang ang amo niya ang tumulong sa kaniya na madala siya isang ‘shelter’.

Bumubunggo ito sa nalaman naming impormasyon mula kay Tess.

At upang maberipika, tumawag kami sa Religious of the Good Shepherd Cebu(RGS Cebu).

 “Hindi po kami ‘prostitute house’. Kami po ay isang “institute” na tumutulong sa mga dating ‘prostitute’ at babaeng naabuso,” sabi ni Sister Minda Obnimaga ng RGS Cebu. Si Sister Minda ang humahawak sa kaso ni Mica at pinayagan niya kami na makausap ang bata.

Binanggit namin ang ‘paghahanap’ sa kanya ng kanyang pamilya. Tinanong namin kung gusto na niyang umuwi sa kanila.

“Ayaw ko na po bumalik! Ipapasok lang po nila akong katulong! Pineperahan po ako ng Tita Tess ko. Kung pupuntahan po nila ako dito, magtatago po ako,” may kirot sa boses na sinabi ni Mica.

Itinuturing na ni Mica na isang tahanan at pamilya ang RGS. Patuloy ang kanilang pag-agapay sa lubusang ‘paghihilom’ ni Mica kasama ng iba pang batang may katulad niyang kaso. Sa ngayon, ninanais ni Estela na makita ang bata.

Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00 ng hapon) ang kwentong ito ni Mica.

DITO SA AMIN SA CALVENTO FILES, hindi nakakatulong kung magtatakip sa amin ng impormasyon ang mga lumalapit. Mahalagang ipagtatapat ang mga tunay na nangyari.

Nagpapasalamat kami sa Bukid Kabataan at RGS sa paglilinaw ng sitwasyon ni Mica. Ipinaliwanag nila na nilipat doon si “Mica” para sa mas angkop na gamutan o ‘rehabilitation’. Biktima siya ng abusong sekswal ng mismong mga kadugo. Ang bagay na ito ay ‘iniwasang’ pag-usapan nila Estela. Ayon sa kanya ‘past is past’. Madalas ganito ang nangyayari kapag ang kasangkot ay ang kapamilya sapagkat iniiwasang makaladkad ang kanilang pangalan at reputasyon. Sinabi ni Sister Minda Obnimaga, RGS na mainam na sinigurado muna ang tunay na kundisyon ng bata. Layunin ng RGS na tulungan ang mga menor de edad na mga babae upang mabalik sila sa normal na kata­yuan at maging kapaki-pakinabang na mamamayan ng ating lipunan. Isinasailalim siya sa mga ‘therapy’ at iba pang programang magpapanumbalik ng tiwala at pagpapahalaga sa kanyang sarili. Pinaalala naman ni Sis. Minda sa mga magulang na huwag babalewalain ang mga sumbong ng mga bata. Ayon sa internasyunal na organisasyon na nangangalaga ng tungkol sa kapakanan ng mga bata:

“Karapatan ng bawat bata na maging malaya at magkaroon ng pamilyang mag-aaruga. Karapatan din nilang mabigyan ng proteksiyon laban sa pananamantala.” Sa mga sinapit ni Mica, lumalabas na hindi siya nabigyan ng wastong pangangalaga. Kapag ganito na ang sitwasyon, maari nang makialam ang pamahalaan dahil “karapatan ng bawat bata na maipagtanggol at matulungan ng pamahalaan”. Ang DSWD at RGS, ay kapit-bisig na humihinang ng bawat lamat na nalikha sa mga babae at kabataan na nilapastangan ang mga karapatan.

Samantala, nais kong bigyang papuri ang Philippine National Police sa pamumuno ni PNP Dir. Gen. Nicanor Bartolome sa agarang paglutas sa kaso ng pagbaril sa kasamahan namin sa PSNGAYON na si Allyson Kua at pagpatay sa kanyang kapatid na si Nixon Kua. Apat na suspek ang sumuko pero mayroon pa ring tinutugis na dalawa. Sa mga susunod na araw ay ilalathala namin ang pangyayari at ang mga larawan ng mga kriminal na ito.

Nais ko ring pasalamatan ang Exec. Sec. ni PNP Chief Bartolome na si SPO1 Carol Sapuay sa kanyang tulong at impormasyon hinggil sa kasong ito. (KINALAP NI PAULINE F. VENTURA)

Sa gustong dumulog ang aming numero ay 09213263166 o 09198972854. Ang landline, 6387285/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor City State Center Blg. Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.

* * *

Follow us on twitter: Email: [email protected]om

ESTELA

KANYANG

LSQUO

MICA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with