Thoughts on the JBC
KAHAPON ay tinanghal ang makasaysayan at kauna-unahang televised at recorded interviews ng Judicial and Bar Council para sa bakanteng posisyon ng Punong Mahistrado. Umpisa pa lang ay explosive na ang mga interview sa pangunguna ni PCGG Chairman at FEU Law Dean Andres Bautista. Sa ilalim daw ng 1987 Constitution ay naging masyadong agresibo ang Korte. Ayon kay Dean Andy ay dapat daw nitong rendahan ang sariling kapangyarihan.
Nakilahok si Atty. Mike Musngi ng Office of the President bilang kapalit ni Ex-oficio member Secretary of Justice Leila de Lima. Problematic ang substitution na ito dahil mismong ang Secretary of Justice ang pinangalan ng Saligang Batas na JBC member. Para sa akin ay ok lang na i-substitute ng presidente si Secretary De Lima basta hindi ito ang iboboto ng kanyang kapalit. Dahil kung ganoon din ang mangyayari, bakit nag-excuse pa si De Lima? Kenkoy na delicadeza.
Sa pitong miyembro ng JBC, apat ang malinaw ang kiling sa mga aplikanteng mahistrado: Ang Chief Justice na presiding officer, ang retired Supreme Court Justice, ang kinatawan ng Integrated Bar of the Philippines, at ang Professor of Law. Dahil lahat sila’y abogado na kahit papaano’y napapailalim sa kapangyarihan ng Supreme Court, matimbang siyempre ang kandidatura ng incumbent Justices.
Sa tatlong naiwang miyembro, abogado rin ang Secretary of Justice subalit dahil tao ito ng presidente ay boboto ito ayon sa instruction ng kanyang Boss. Ang natitira ay ang miyembro ng Kongreso at ang kinatawan ng private sector. Walang requirement na abogado rin ang dalawa subalit sa kasaysayan ay laging abogado rin ang mga humawak ng puwestong ito.
Tinanggal sa Commission on Appointments ang kapangyarihang makibahagi sa appointment process ng mga huwes dahil masyado raw itong naging pulitikal. Sa gaganaping pagpili ni P-Noy ng kanyang Chief Justice, sana ay sa umpisa pa
lang maipamalas na niya ang respeto sa proseso ng JBC at hayaan itong umandar nang walang impluwensya. Sa ganitong paraan ay sigurado tayong makakakuha siya ng isang Chief Justice na loyal din sa proseso at hindi sa pulitiko.
- Latest
- Trending