'Bawal tumawid'

KAMAKAILAN lamang ay sinimulan na ng Metropolitan Manila Development Authority ang mahigpit na pagpapatupad sa ordinansang Anti-Jaywalking Law. Layunin ng ordinansang ito na mabawasan ang bilang ng mga taong naaksidente kaugnay ng hindi pagsunod sa tamang tawiran.

Nitong nakaraang buwan lamang, Hunyo 2012, nagpakalat ang MMDA ng mga tinaguriang “Men in Red” sa lansangan. Sila ang Anti-Jaywalking Unit na itinalaga upang bantayan ang mga walang disiplinang mamamayan na tumatawid sa mga maling tawiran. Pero sa paglilibot ng aming grupo sa mga kalsada sa Metro Manila, isang pasaway na eksena ang aming naaktuhan. Una, huling huli ang mga jaywalkers na nakikipagpatintero sa mga sasakyan sa kalsada ng Shaw Boulevard, EDSA sa Mandaluyong.

Pangalawa, nakabalandra na sa gitna ng kalsada ang malaking karatulang “Bawal Tumawid” pero parang bulag na walang nakikita ang mga tao sa pambabalewala rito.

Pangatlo, malakas ang loob ng mga jaywalkers sa lantarang ang pambabastos sa batas dahil maging ang traffic enforcers na nakatambay malapit sa karatula, dedma lang sa kanilang nakikita.

Isang tanawing sa Pilipinas lang matatagpuan, pero ang ganitong kaugalian talaga namang nakakahiya.

Ayon mismo kay MMDA Chairman Francis Tolentino, ka­ugnay ng dumaraming kaso ng mga taong naaksidente dahil sa pagtawid ng mga tao sa hindi tamang tawiran, lalong pina­igting ng MMDA ang kanilang kampanya kontra-jaywalking. Ang mga mahuhuling lumalabag sa batas ng pagtawid sa maling tawiran ay pagmumultahin ng P200. Samantalang ang mga walang pambayad ay isasailalim sa seminar ng disaster preparedness.

Kaya naman paalala ng BITAG sa lahat, maging disiplinadong mamamayan dahil buhay ang kapalit sakaling humantong sa disgrasya ang pagsuway sa batas ng pagtawid sa mga itinalagang tamang tawiran sa daan.

* * *

Para sa inyong mga sumbong at tips tumawag sa 9325310 o 9328919 o magpadala ng text mes­sage sa 09192141624 o mag-email sa bahalasitulfo@hotmail.com o magsadya sa BITAG Headquarters #299 Syjuco Bldg. Kalaw Hills, Tandang Sora, Quezon City mula Lunes hanggang Biyernes alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.

Show comments