Columnist Nixon Kua kinuha na ni Lord
REST in peace kapatid na Nixon Kua. Nawa’y mabigyan ng katarungan ang iyong pagkamatay sa kamay ng mga haragang salarin. Nakikiramay din tayo sa pamilyang inulila ni Nixon na naratay nang maraming oras under comatose condition matapos barilin ng mga armadong magnanakaw sa isang ipinapagawang tahanan ng kanyang kapatid sa Calamba, Laguna. Nagpapasalamat naman tayo at ang utol ni Nixon na si Allyson ay nakaligtas sa kamatayan bagamat tinamaan din ng punglo sa balikat.
Ganap na 11:30 ng nakaraang gabi nang pumanaw ang ating kaibigan sa isang pagamutan sa Calamba. Bago pumanaw, siya ang sumusulat ng kolum na “Panaginip Lang” sa PS NGAYON. Sa nangyari’y para akong nananaginip lang talaga. Kakatwa na mangyari ang insidenteng ito sa isang guwardiyadong Greenfield Subdivision at sa panahong inihayag ni Presidente Aquino sa kanyang State of the National Address ang magandang balitang bumaba ng malaki ang insidente ng krimen sa bansa.
Ilang araw lang ang nakalilipas, nilooban naman ng mga akyat-bahay ang tahanan ng ABS-CBN correspondent na si Jay Ruiz sa Mapayapa Village, Quezon City at halos limasin ang mga ari-ariang puwedeng dalhin. Ang dalawang subdivision na tinutukoy natin ay di pipitsugin at guwardyado 24/7. Sa kabila nito, bakit nangyayari ang ganyang uri ng krimen?
Sabagay, sa kaso ng ABS-CBN reporter, napatay sa isang enkuwentro sa mga pulis ang mga suspects samantalang apat sa mga umatake sa ating kolumnistang si Nixon ay agad nahuli. Puntos iyan sa ating pulisya pero ang pinakamainam na dapat mangyari ay mapigil ang ganyang klase ng krimen. Hindi yaong maya’t maya ay may nangyayaring patayan. Walang saysay kahit mahuli pa lahat ang gumagawa ng krimen dahil hindi na maibabalik ang buhay na nakitil.
Mahalaga ang police visibility. Sabihin mang diktador at magnanakaw si Marcos, ang magandang ginawa niya noon ay ang pagtatalaga ng mobile patrol ng METROCOM sa bawat kanto sa buong magdamag. Basta’t may curfew pass ka, wala kang takot at pangambang maglakad kahit disoras ng madaling araw. Kung puwede ito noon, bakit hindi ngayon? Dahil ito ba’y mukhang “sistemang diktadurya?” Ang pangangalaga sa seguridad ng taumbayan ang pangunahing dapat atupagin ng alinmang administrasyon.
- Latest
- Trending