Halaga ng katiwasayan: Kuwentahin kaya natin
KATIWASAYAN: Ang kahulugan sa Pilipino ay sapat na gamit o kita, para makamit ang kabuuan ng buhay, kalusugan at konting sagana, para maging masaya. Ibig sabihin, prosperidad.
Dahil katiwasayan ang hangad ng bawat isa, ‘yun din ang dapat unang ipagkaloob ng gobyerno, lokal o pambansa. Magagawa nila ‘yon sa pamamagitan ng tamang pagpaplano ng programa at paglalaan ng pondo.
Pero nagkukulang ang gobyerno. Tatlong halimbawa:
(1) Hindi makakating paa ang sanhi ng pagtatrabaho sa abroad. Hangad nila’y kumita, habang kaya pa, ng pabahay at pang-kolehiyo ng mga anak. Halos 10-milyong kababayan, 10% ng populasyon, ang overseas workers. Bingit-buhay sila sa peligrosong workplace o giyera. Sa Syria, kung saan nagsi-civil war, nangingikil ang mga desperadong amo ng tig-$10,000 para pumirma sa exit visa ng 70,000 empleyadong Pilipino. Dahil ilegal ang pagpunta ng maraming OFWs sa Syria, kapos ang gobyerno sa pantustos sa “ransom.” Hindi basta magagamit ang OWWA funds ng mga legal na OFWs para sa mga ilegal.
(2) Sa 2013 tutustos ang gobyerno ng P45 bilyon para “pantawid” sa 4.8 milyong pinaka-hikahos na pamilya. Ibig sabihin, P9.375 kada pamilya sa buong taon o, kapag inalis ang admin cost, mga P700 kada buwan. Ano lang ang mabibiling sustansya, saya — kasaganahan —ng isang pamilya sa halagang P700 kada buwan?
(3) Taun-taon sa Tullahan River, CaMaNaVa, sa Agusan at marami pang tabing-bangin o -dagat, daan-daan ang nasasalanta ng landslide, baha, tsunami, at lindol.
Mas murang turuan sila ng ibang hanapbuhay, kaysa isalba paulit-ulit sa sakuna.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest
- Trending