'Mga Tinik sa Rosas' (Unang Bahagi)

MAGANDANG TIGNAN… masarap amuyin, ingat lang dahil kapag bigla mong dinaklot, tutusukin ka ng mga tinik sa paligid nito.

 “Dinala daw sa prosti.. Ewan ko! Sa prostitute house sa Cebu ba ‘yon? Tumakas raw sa shelter, ‘di ko maintindihan!”

Ito ang hindi maliwanag na pagkakaalam ni Lola Estela sa kinaroroonan ng apo sa tuhod na si “Mica” (‘di tunay na pangalan).

Dumulog sa aming tanggapan ang mag-lola na si Maritess “Tess” Soliman—34 taong gulang at si Estela Fajardo—81 na taong gulang.

‘Nawawala’ daw ang batang si “Mica”—16, mula sa ‘shelter’ ng Bukid Kabataan kung saan ito inihabilin.

Mabilis na lumipad pabalik ang mga pahina ng panahon. Parang isang lumang librong nabasa at itinago na sa baul.

Taong 1994, katorse pa lang noon si Tess.

Naalala niya ang bikas nila ng kanyang nanay na si Telly nang halughugin ang buong Cubao.

Panghal na inisa-isa nila ang bawat ‘KTV bar’ para hanapin ang ate niyang si Lucy, na noo’y 16 na taong gulang.

“Saan ka ba dinala ng ate mo?”, hindi mapakaling tanong ni Telly kay Maritess.

“Sa mataas na gusali po na maraming bintana. Sabi po ‘nya sa akin Tess, antayin mo ko dito pagkatapos nito magkakapera tayo. Tapos pumasok na siya kasama ng isang lalaki.”

Hindi nila akalain na makalipas ang labing walong taon, ang anak ni Lucy na si “Mica” naman ang kanilang hahanapin.

Taong 1996 pagkapanganak pa lang ni Lucy kay “Mica”, iniwan na ito kay Tess sa Binangonan, Rizal. Umalis din siya agad para magtrabaho bilang GRO at nagkaroon na ng ibang pamilya. Kay Tess na lumaki si Mica.

Taong 2003 namatay si Lucy dahil sa kanser sa matris sa edad na 25. Umuwi mula Amerika noon si Estela at kinuha na si Mica upang alagaan. Nanatili kay Estela si Mica mula nang siya’y pito hanggang mag-labing dalawang taong gulang.

Sinabi ni Tess at Estela na ‘rebelde’ itong si “Mica”. Mabarkada daw at malapit sa mga lalake.

“Nagmana yan sa Mama niya ‘matigas ang ulo’. Hindi kami sinusunod! Laging sasabihan, Mica, mag-aral ka ng mabuti. Mica wag kang sagot ng sagot… Mica…”, litanya daw palagi ni Tess.

Dagdag ni Tess namasukan daw si Mica bilang katulong sa isang kapit-bahay sa Binangonan. Nababalita na nakikipag-inuman ito sa amo nitong lalaki. “Nagpa-barangay pa kami dahil d’yan,” sabi ni Tess.

Nung na kay Estela daw si “Mica” ay kinakitaan daw ng hindi normal na pagkilos.

Napapansing niyang palaging sira ang nakasabit na kuwadro sa sala. Maraming beses na niyang pinalitan ito hanggang mahuli niya si “Mica”.

Paulit-ulit daw na kinukutkot ang kwadro gamit ang mahabang kuko sa hinliliit kaya pinagsabihan niya. Madali raw magdamdam si Mica at tuwing nagtatampo sa kanya ay umuuwi ito sa Binangonan.

“Pinag-aaral ko yan at gusto kong makatapos. Pero wala.. walang hilig sa pag-aaral,” paulit-ulit sinasabi ni Estela.

Gunita ni Estela na ‘di nalalayo si Mica kay Telly—ang lola ni Mica. Pinasok nila sa kolehiyo si Telly noong araw. Mayroon pa silang negosyo noon at nakakaluwag pa sa pera. Palagi silang wala sa bahay dahil abala sa kung paano pauunlarin ang kabuhayan.

Hindi nila namalayang may relasyon na pala si Telly at ang pintor ng kanilang bahay. Sa edad na 18, nagpakasal ang dalawa. Hindi na nakapagtapos si Telly. Miserable umano ang naging buhay ng anak mula nang nag-asawa ito. Ngayon hanggang sa apo ay naipasa ang ganito ang lagay.

Nabahala daw si Estela sa kundisyon ng apo.

Taong 2008—12 taong gulang si “Mica” dinala nila ito sa isang ‘shelter’ sa Project 4, Quezon City para doon maalagaan.

Noong namatay daw ang may-ari ng ‘shelter’ noong 2010, inilipat ni Sis. Erlin Bacol si Mica sa Euphrasian Crisis Center ng Good Shepherd Convent sa Aurora Blvd., Quezon City. Dito daw pansamantalang namalagi si Mica upang mabigyan ng pagpapayo at pangangalaga.

Pagkatapos ng ilang buwan, inilipat si “Mica” sa Bukid Kabataan sa San Francisco, General Trias, Cavite.

Nitong Mayo 2012 pumunta sina Estela at Tess sa Bukid Kabataan. Maghahabilin ng anak ni Tess at dadalaw din raw kay Mica.

Nagulat sila at wala na doon si “Mica”.

Palaisipan sa kanila kung nasaan ito. Sabi daw ng mga tagapamahala doon, “tumakas daw papunta ng Cebu at naging prostitute” ang dalagita.

Nais ng pamilya ni Mica na muli siyang makita ngunit hindi nila alam kung nasaan siya.

Nagtataka sila kung bakit hindi pinag-bigay alam ang proseso ng paglilipat-lipat. ‘Pinagsisinungalingan’ daw sila ng mga madre na nangangasiwa sa Bukid Kabataan.

“Bakit hindi nila kami sinabihan kung saan nila dadalhin ang bata?”, ito ang katanungan ni Lola Estela.

Sa pakiramdam ni Estela ay ipinagkait sa kanila ang karapatang malaman ang kinalalagyan ng apo.

Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00 ng hapon) ang ‘panawagan’ na ito ni Estela at Tess.

DITO SA AMIN SA CALVENTO FILES, naniniwala kami sa adbokasiya ng Euphrasian Crisis Center ng Convent of the Good Shepherd at Bukid Kabataan. Mga institusyon ito na kumakalinga sa mga kabataan at babaeng naabuso ang karapatan. Kaya’t parang imposibleng mapabayaan ang tulad ni “Mica” mula sa kanilang pangangalaga.

Ipinagtataka lamang namin kung bakit sa mga ‘shelter’ na ito dinala si Mica. Walang nabanggit ang mag-lola tungkol sa ano mang abusong dinanas nito.

Bilang tulong sa paghahanap, nakipag-ugnayan ang aming staff na si Pauline Ventura sa mga ‘shelter’ na ito para malinawan.

Sa pananaliksik ni Pauline, natuklasan niya na may mas malalim pa palang dahilan ang ‘pagkawala’ umano ni Mica.

TOTOONG tumakas at nasa isang ‘prostitute house’ nga ba talaga si Mica? Ang kanyang murang katawan nga ba ang ginagamit niya para magkaroon ng magandang buhay? 

Abangan EKSKLUSIBO sa “CALVENTO FILES” sa PSNGAYON  ang mga susunod na tagpo sa kwentong ito.

(KINALAP NI PAULINE F. VENTURA)

Sa gustong dumulog ang aming numero ay 09213263166 o 09198972854. Ang landline, 6387285/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor City State Center Blg. Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.

* * *

Follow us on twitter: Email: tocal13@yahoo.com

Show comments