SAGISAG si SPO2 Ricardo Pascua ng sakit ng bansa. Alagad siya, pero una sa paglabag, ng batas. Nabisto siya nang harangan niya ang convoy ni President Noynoy Aquino nu’ng Martes. Lumitaw na hadlang siya sa mismong Matuwid na Daan ng reporma ni P-Noy.
Imbis na tumabi nang kumpasan ng traffic sweeper sa unahan ng convoy, patuloy minaneho ni Pascua ang kanyang AUV. Nang parahin na ng hagad, nag-wangwang siya at nagwasiwas ng tsapa. Dinadaan sa palakasan at poder -- ugali na pumipisok sa mga mahuhusay at matitino, at nag-aangat sa mga abusado at pulpol.
Nang ipresinto ng Presidential Security Group, lumitaw na walang driver’s license o siren permit si Pascua. Para sa ibang kotse ang plaka ng AUV, at nakatakip ito ng dark acrylic para hindi mabasa ang numero. Sapin-sapin ang paglabag ni Pascua sa batas. Walang pinagkaiba sa mga kawatan sa iba’t ibang ahensiya na patuloy na namemeke, nangingikil, nagtatakip sa mali. Maihahambing din dito ang West Cove-Boracay Resort, na nag-o-operate nang walang municipal building, occupancy at business permits. Tapos, nakahingi pa ng special permit na pasukin ang 900 metro ng karatig na gubat, pero sinakop ay 3,000 pang metro.
Nabisto rin na pinapasada ni Pascua ang AUV nang walang mega-taxi franchise. Samakatuwid, hindi nagbabayad ng buwis. Kasing-colorum ng libo-libong bus sa EDSA at mga probinsiya, at iba pang bilyonaryong tax evaders. Paano naging pulis ang katulad ni Pascua? Bakit pinagtatakpan ng regional at provincial environment officers ang violations ng West Cove? Nadale lang si Pascua nang presidential convoy na mismo ang sinuway. Tinibag lang ang West Cove dahil inaraw-araw bakbakan sa radyo-DZMM.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com