SALAMAT sa klaripikasyon ng Department of Health sa maling balita na lalansagin na raw ang mga charity wards lalu na sa mga pampublikong pagamutan. Marami kasi ang nasindak sa balitang ito na hindi naman pala totoo.
Mapapalitan lamang pala ang mga charity wards ng PhilHealth wards. Ito ay sa sandaling mapalawak na ang coverage ng PhiHealth at masaklaw ultimo yaong mga nagpapalimos.
Kaso umaalma pa rin ang mga maka-kaliwang grupong militante. Kesyo gagamitin lang daw ito’ng “pampapogi” ng mga politiko para makakuha ng boto.
Aba, kung lahat ng mga programa para sa benepisyo ng maliliit na taumbayan ay kukulayan nang pulitika, paano pa makakapagserbisyo ng maayos ang pamahalaan sa mga taumbayan?
Kunsabagay, noong nakaraang administrasyon ay naging kontrobersyal ang pamamahagi ng mga Phil-Health cards dahil may larawan ng dating Presidente Gloria Arroyo, Huwag na lang mauulit ang ganyan porke talagang bad taste.
Hindi naman mga politiko ang gumagastos sa programang kundi ang mga taumbayan mismo na nagbabayad ng premium para tamasahin ang mabuting medical care. Taumbayan na rin na nakaluluwag sa buhay ang magsa-subsidize doon sa mga mahihirap na walang ibabayad para sa membership.
Palibhasa ang mga “kaliweteng” sector ay sadyang naninilip ng butas para mabatikos ang pamahalaan. Kung wala namang ganyang programa ang gobyerno sa kapakanan ng mga mahihirap, mas lalu itong tutuligsain.
Iyan ang tinatawag na “sala sa lamig, sala sa init” o sa wikang Inggles “Damn if you do, damn if you don’t.”
Halata namang napipika ang Malacañang sa mga tuligsang ito ng mga militante. Sino ba naman ang hindi maiimbiyerna gayung pulos batikos ang ipupukol sa iyo habang gusto mong magsilbi ng maayos?
Pero huwag na lang sanang papansinin ang ganyang mga banat. Gawin lang ang tamang dapat gawin.