SUNUD-SUNOD ang pagsalakay ng mga kriminal sa mga miyembro ng Manila’s Finest. Mula January hanggang sa kasalukuyan, 7 pulis na ang napapatay. Ngunit hindi ito hadlang upang maduwag ang mga pulis sa kanilang sinumpaang tungkulin. Bagamat nagluluksa ang Manila Police District (MPD) sa pagkawala ng kanilang miyembro, patuloy pa rin nilang ipinakikita ang katapa-ngan upang proteksyunan ang Manilenos. Ayon kay Chief District Directorial Staff (CDDS) Sr. Supt. Ronald Estilles, malaki ang kanyang hinala na ang pamamaslang sa mga pulis Maynila ay bahagi ng paghihiganti ng mga sindikato. Hindi naman nila kayang harapin ang Manila’s Finest dahil sanay ang mga ito sa sagupaan.
Pinakilos ni Deputy Director for Operation (DDO) Sr. Supt. Robert Po ang Intelligence Unit ng MPD upang hanapin ang pumatay sa 7 pulis. Tinagubilinan ni Po ang a mag-ingat sa kanilang paglalakbay lalo na ang mga pulis na nasangkot sa pagbuwag sa mga sindikato. May katwiran si Po na pag-ingatin ang mga pulis matapos sumalakay ang riding-in-tandem, drug pushers, estribo gang, holdaper, snatchers at akyat bahay gang. Sa katunayan maraming criminal ang bumulagta matapos makaengkwentro ng MPD. Ang masakit, nagbuwis ng buhay ang mga pulis-Maynila sa patraydor na pagsalakay.
Kabilang dito si PO2 Jesus Lapuz na pinagbabaril ng riding-in-tandem sa Roxas Boulevard, Pasay City noong nakaraang Biyernes. Si PO1 Manuel Garcia naman ay pinagbabaril sa Pedro Gil St., Sta Ana ng mga suspect na nakasakay sa itim na Ford Everest noong Sabado ng madaling araw. Si SPO2 Teofilo Panlilio naman ay natagpuang lulutang-lutang sa baybayin ng Navotas na tadtad ng bala at katawan at tinapyas pa ang kaliwang tainga. Si PO1 Ramuel dela Cruz ay pinatay naman ng mga holdaper noong Pebrero 26, 2012. Si PO1 Anthony dela Cruz ay pinatay sa Malate noong May 19, 2012. Si PO2 Reynaldo Olivo Jr., ay pinagbabaril habang akay ang anak na papasok sa school sa Tondo noong June 21, 2012 at si PO2 Rommel Coquia ay pinatay sa Malolos, Bulacan matapos humarap sa hearing noong May 17, 2012.
Bagamat tikom ang bibig ni MPD director Chief Supt. Alejandro Gutierrez sa pagkalagas ng kanyang mga tauhan, bakas naman sa kanyang mukha ang pagkairita. Maaaring sa mga darating na araw ay mabibigyan ng hustisya ang kinasapitan ng 7 pulis. Abangan!