Editoryal - Nagkalat ang baril kaya mataas ang krimen

MULA Enero hanggang Hunyo 2012, nasa 29,231 krimen ang nangyari sa Metro Manila. Mas ma-taas kumpara noong nakaraang taon na 18,671 krimen sa kaparehong buwan. Ayon sa National Capital Regional Police Office (NCRPO) tumaas ng 63.8 percent ang mga naitalang krimen sa Metro Manila.

Nang tanungin si Philippine National Police (PNP) chief Nicanor Bartolome ukol sa pagtaas ng krimen, sinabi niyang dahil ito sa pagtaas ng populasyon sa Metro Manila na umaabot na sa 12 millions. Kapag daw malaki ang populasyon, maraming oportunidad na makagawa ng mga krimen. Maski raw ang mga nasa ibang rehiyon ay nagtutungo sa Metro Manila at dito gumagawa ng krimen. Malaki raw ang kaugnayan nang pagdami ng tao sa mga nangyayaring krimen.

Totoo naman ang sinabi ni Bartolome. Kahit saang lugar, kapag dumami na ang tao, tiyak na darami rin ang krimen. Nagkakaroon nang maraming pagkakataon ang mga masasamang-loob na makagawa ng kabuktutan ---pagpatay, pagnanakaw, pangingidnap, pangangarnap at kung anu-ano pang kasamaan. Subalit sa kabila na nalalaman na ng PNP na kapag dumami ang tao ay laganap ang krimen, wala namang ginagawang hakbang para mapigilan ang mga gumagawa nito. Sapat na bang sabihin na maraming tao kaya may krimen. Ano ang ginagawang solusyon? Ano ang mga plano para ganap na mabawasan ang mga nangyayaring sunud-sunod na krimen?

Wala nang takot kung sumalakay ang mga criminal. Kahit katanghaliang tapat ay bumabanat. Halimbawa ay ang mag-asawang pinagbabaril sa harap ng restaurant sa Pasig noong Lunes. Kakain lamang ng pananghalian ang mag-asawa. Nang bumaba sila sa sasakyan, pinagbabaril sila. Patay ang mag-asawa. Walang anumang nakatakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo.

Sunud-sunod din ang pagpatay sa mga pulis. Sa loob lamang ng isang buwan, apat na pulis-Maynila ang naitumba. Pawang riding-in-tandem ang pumatay sa mga pulis. Ang pulis na si PO2 Jesus Lapuz ay walang awang pinagbabaril ng riding-in-tandem sa Roxas Boulevard, Pasay City. Hindi na naiputok ni Lapuz ang kanyang service firearm.

Sa aming paniwala, mataas ang krimen sapagkat nagkalat ang maraming baril. Saan galing ang mga baril na ginagamit ng tandem? Hindi ba maaaring paigtingin ng PNP ang kampanya laban sa loose firearms?

Show comments