Abuso na iyan!
TALAGANG hindi naglulubay ang China sa panduduro sa atin. Matapos ang pagpapadala ng mga barko sa teritoryo natin sa Scarborough Shoal, nagpalabas ito ng pahayag na ang ano mang gagawing oil exploration ng Pilipinas sa West Philippine Sea ay kailangan daw munang ihingi sa kanila ng permiso.
Hmm… determinado talaga ang China na ipadama sa mga bansang kalapit nito na siya ang hari sa malaking dakong ito ng mundo. Di ba kailan lang ay nagpahayag ang bise presidente ng China na ayaw nito ng gulo at walang balak na maghari-harian sa daigdig?
Ang kontratang pinasok ng bansa para sa oil exploration na ito kasama ang mga dayuhang investors ay noon pang 1970 narating. Sabi nga ng Malacañang, bakit ngayon lang nag-aalboroto ang China?
Anang China, bago simulan ang proyekto alinsunod sa ano mang narating na kontrata ay kailangan munang ipagbigay alam sa naturang bansa, bagay na binalewala naman ng Palasyo.
Ani Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, matagal nang naabot ang kontrata kaugnay nito. Kung noong 1970, bago pala idineklara ni Marcos ang batas militar ay mayroon nang ganyang plano.
Tiniyak ni Usec. Valte na ang anumang exploration contract ng Pilipinas tulad ng sa Recto Bank na nasa West Philippine Sea ay legal at may bisa. Ang ganyang pagbibitiw ng pahayag ng China ay posibleng maging dahilan para umatras ang ilang investors sa oil project kaya masyadong damaging.
- Latest
- Trending