'Mga Uling sa Mukha'
PASUKIN MO ANG ‘LUPAIN’ ng ibang tao ng walang pahintulot kahit saglit lang, may batas ka ng nilalabag.
Ano pa kaya kung matagal kang mamalagi dito at mag-imbak pa ng mga gamit nang hindi umano nagbabayad ni isang kusing, bagkus nagkakalat pa sa paligid—ang tawag d’yan PANG-AABUSO NA!
Isang Manny Sanchez na namumuno ng Home Guarantee Property (HGC PROPERTY) ang umalma sa umano’y illegal na pagpasok ni Reghis Romero—isang negosyante, sa kanilang lupain dahil sa umano’y illegal na paggamit ng kanilang daanang pasilidad at pag-iimbak ng uling, ‘eviction of stock piling coal’.
Hindi pa nasiyahan sina Romero at naningil umano sa mga ‘consignees’ at ‘clients’ terminal fees’ at binubulsa lamang ito.
Ang dati kong kasama sa radyo (DZMM) na si Agham Representative Angelo Palmones ay agad naman hiniling kay Commissioner Kim Henares ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na imbestigahan si Romero kung dinedeklara nito ang mga kinikita sa renta at nagbabayad ng tamang buwis.
Nakasaad sa sulat ni Palmones kay Comissioner Kim Hernares, na imbestigahan, inspeksyunin, alamin at patawan ng kaukulang buwis sa pag-iimbak ng bundok-bundok na uling na matatagpuan sa Harbour Center Port Terminal Inc. at Manila Harbour Center.
Kung mapatunayan na walang buwis na binabayaran, nararapat lamang na sampahan ng kasong ‘tax evasion’ itong si Romero sang-ayon sa landas na matuwid ng ating Pangulong Noynoy Aquino para sa halos dalawang taong paggamit nito.
Sa banda naman ni Sanchez, tahasang sinabi nito na ang pag-iimbak ng uling ay nagdudulot ng polusyon at nalalason ang lupa dahil bumabaon ang uling ng ilang metro dahil sa tagal na andun ang mga ito.
“Ang alikabok ng uling mula sa stockpile ay nagbibigay ng mapolusyong hangin at nagpapaitim ng lupa sa Manila Harbor Center,” reklamo ni Sanchez.
Disyembre pa nung 2010 nagsulat ng reklamo si Sanchez sa DENR subalit lubhang napakatagal ang pagkilos ng tanggapang ito at tila binabalewala ang kanyang hinaing.
Nilapitan ni Sanchez ang ‘Mayor ng Maynila na si Mayor Fred Lim’ para hilingin ang tulong nito sa pamamagitan ng ‘police assistance’ na matanggal na ang mga uling na illegal na inimbak sa kanilang ari-arian.
Naging agaran naman ang aksyon na ginawa nitong ‘action man’ na si Mayor Lim at nung Miyerkules, sinimulan ang pagtanggal ng uling sa HGC Properties.
Nagbigay ng permiso si Lim para tanggalin na itong mga uling at ang mga pulis naman ay para pumigil sa kung ano mang hindi magandang aksyon mula sa mga taong nagtatanggal ng uling sa HGC Properties.
Nang tanungin si Romero ukol sa usaping ito ayaw umano nitong aminin o itanggi na ang kanyang kumpanya ang nagtatambak ng uling sa Manila Harbour Center subalit hindi niya ikinaila na binigyan siya umano ng permiso para magmanipula ng uling sa lupaing tinutukoy.
Natuklasan umano nitong si Sanchez na ang permisong tinutukoy nitong si Romero ay galing sa ‘JET POWER CORPORATION’ na nagdadala ng uling sa pamamagitan ng HCPTI (Harbour Center Port Terminal Inc.).
Si Ian Kenneth Uygong-co ang naghain ng reklamo sa Environment Department’s Pollution Adjudication Board subalit walang naging aksyon, ayon kay Sanchez.
Nabulgar lahat ito at nagkaroon ng reklamo nung magiba ang bakod (firm perimeter wall) ng Philippine Foremost Milling Corporation dahil sa mga uling na nasa isa sa mga lote ng HCG Corporation.
Samantala sinabi naman ni Palmones na ang higit na malaking usapin kaugnay sa imbestigasyon sa gabundok na mga uling malapit sa Manila Bay ay ang kaligtasan. Pinunto niya na maaring magkaroon ng mga biglaang pagsabog kung ang mga uling ay naiimbak ng matagal. Hiningan niya ng kaukulang atensyon ukol dito ang DENR o Dept. of Environment and Natural Resources, Manila Bay Advisory Committee, Dept. of Transportation and Communication (dahil sila ang nangangasiwa sa Philippine Ports Authority), at ang Dept. of Interior and Local Government.
“Ang isang lugar na pinag-iimbakan ng uling na walang mga kaukulang gamit pang kaligtasan ay isang aksidenteng naghihintay na mangyari”.
Napag-alaman na binigyan ng permiso ng DENR ang Harbour Centre na mag-imbak ng 40 metric tons ng uling ngunit lumagpas ito sa napagkasunduang bilang.
Lingid sa kaalaman ng DENR na mag-iimbak ang Harbour Centre ng uling sa nasasakop nitong lupa at magkakaroon pa ng distribusyon, nang maghain ito ng aplikasyon para sa isang ECC o Environmental Compliance Certificate. Hindi nilalaman ng ECC ang impormasyon ukol sa pag-iimbak at distribusyon ng uling sa nasabing lugar.
Sinabi ni Palmones, ang posibilidad ng pakikisangkot ng Harbour Centre sa kalakalan ng uling ang dahilan ng undercut pricing para sa terminal operations.
Sa isang liham kay Energy Secretary Jose Rene Almendras noong ika-Hulyo 1, “Naiintindihan namin ang sinabi ni Energy Asst Sec. Ramon Oca na ang mga imbak ng uling ay hindi para sa paglikha ng kuryente, sa halip ay para sa kapakinabangan lang ng mga maliliit na industriya; at ang mga daungan ay ginagamit bilang lokasyon para sa palitan ng kalakal ng mga barko, hanggang maihatid ito sa mga kliyente. Kung totoo ngang ang lupaing ito ay ginagamit bilang lugar ng palitan ng kalakal, nais naming malaman kung ang mga uling na naroon ay neninegosyo, sapagkat base sa aming pag-unawa, ang mga coal traders ay nararapat na rehistrado sa Kagawaran upang maapula ang mga ilegal na gawain at maprotektahan ang kita na nararapat na tinatanggap ng gobyerno.”
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES hinahanap namin, nasaan na ang mga nangunguna sa pakikibaka para sa kalikasan gaya ni Sen. Loren Legarda? Ang mga environmentalist groups tulad ng Bantay Kalikasan, Friends of the Earth International, at The Green Movement? Patuloy na lamang ba kayong mananahimik sa ginagawa nitong si Romero at ng kanyang kompanya?
Huwag kayong bubulung-bulong sa mga sandaling dapat sumigaw, NGAYON NA!
Follow us on twitter: Email: [email protected].
- Latest
- Trending