ANAK ang pinakaunang naaapektuhan sa paghihiwalay ng kanyang mga magulang.
Bukod sa trauma at sakit na dulot ng pagkasira ng sariling pamilya, kadalasang nagiging problema ay kung kaninong kustodiya nararapat na mapunta ang mga bata.
Ito ang idinulog sa BITAG ng nagrereklamong ginang na si Laila na tubong Taytay, Palawan. Tanging hiling lamang ni Laila ang muling makapiling ang anim na taong gulang na bunsong anak na babae.
Sumbong ni Laila sa BITAG, sapilitang kinuha ng kanyang dating kinakasama na si Reynaldo ang kanilang anak at dinala sa Maynila.
Ayon sa ating batas na nakasaad sa Article 213 ng Family Code of the Philippines.
Ang batang nasa edad pito pababa ay hindi maaaring mahiwalay sa kanyang Ina.
Ayon mismo kay Atty. Freidrick Lu, mawawalan lamang ng karapatan ang Ina ng bata sakaling mapatunayan sa korte na may pagkukulang o walang kapasidad ang Ina na pangalagaan ang kanyang anak.
Dahil dito, agad na kumilos ang BITAG para makipag-ugnayan sa Women and Children’s Protection Desk o WCPD para sa isasagawang rescue operation. Pagdating sa bahay ni Reynaldo, itinago agad ng bagong kinakasama nito na si Maricel ang bata sa loob ng kanilang kuwarto.
Sa harap ng kamera ng BITAG, ibinida ni Reynaldo ang incident report na aprubado ng Social Welfare and Development Office ng Taguig. Ang siste, napag-alaman ng BITAG na ang ibinibidang pirma sa dokumento ng inirereklamong si Reynaldo, nagmula pa sa mismong kamag-anak nito sa Taguig-OSWD.
Dahil dito namagitan na ang WCPD at ang komosyon ng pagbawi sa bata, nauwi sa mainitang pagtatalo.
Panoorin sa darating na Biyernes sa BITAG ang kabuuang dokumenstasyon sa isinagawang rescue operation at ang pag-abuso sa kapangyarihan ng Taguig OSWD nang kanilang panigan ang Ama ng bata.
* * *
Para sa inyong mga sumbong at tips tumawag sa 9325310 o 9328919 o magpadala ng text message sa 09192141624 o mag-email sa bahalasitulfo@hotmail.com. o magsadya sa BITAG Headquarters #299 Syjuco Bldg. Kalaw Hills, Tandang Sora, Quezon City mula Lunes hanggang Biyernes alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.