Kasusulat ko lang ukol sa tricycle, at kung may lugar pa sa kalye ng Metro Manila, dahil sa sunod-sunod na grabeng aksidenteng naganap na sangkot ang maliit at walang kalaban-laban na sasakyan. Pero eto nga, pati sa mga probinsiya ay peligroso na rin sumakay ng tricycle. Sa Iloilo, dalawa ang patay nang banggain ng dalawang trak ang isang tricylce na sakay-sakay ang ilang mag-aaral na pauwi na mula sa isang party! Kumakarera daw yung dalawang trak nang mabangga ang tricycle na hindi siguro nakita kaagad. Sa Albay, tatlo ang patay nang mabangga ng isang pampasaherong bus ang tricycle na sakay nila! Wala pang detalye kung paano naganap ang aksidente.
Sa dalawang insidente, mga malalaking sasakyan ang dumisgrasya sa maliit na tricycle. Matagal ko nang napapansin at tinatanong kung bakit pinapayagan pa ang tricycle na bumaybay ng mga national highway. Wala talagang lugar ang tricycle sa ganitong klaseng kalsada! Mabibilis ang takbo ng mga sasakyan, bukod sa malalaki pa! Ang mga malalaking sasakyan ay hindi madaling pahintuin kapag biglaang kinailangan. Dahil sa bigat ng mga ito, hindi kinakayanan ng mga preno mapahinto kaagad, kahit anong apak pa ng drayber sa preno. Yung buwelo na naipon ng mga malalaking sasakyan ang siyang patuloy na magpapaandar sa sasakyan, kahit pinepreno na.
Alam nating lahat kung paano rin kumilos ang mga tricycle sa lalawigan. Mga biglang kilos na walang signal, mga U-turn sa gitna ng highway. Mga biglang papasok sa highway mula sa tabi ng kalsada. Sa tingin ko ang akala ng mga drayber nito ay mabilis masyado ang kanilang mga sasakyan, na kaya nilang umiwas sa aksidente. Patunay na wala naman talagang pormal na pagsasanay ang karamihan ng mga drayber nito!
Dapat paghigpitan ang mga tricycle na pumapasada sa lalawigan na pwede lang silang bumaybay sa paligid ng siyudad, kung saan hindi naman mabilis ang takbo ng mga sasakyan sa highway. Hindi sila dapat lumalampas sa mga boundary nito. Wala talagang laban ang tricycle kapag nabangga na ng kahit anong sasakyan na may apat o higit pang gulong. Walang katangian ang tricycle na nagbibigay ng anumang proteksyon sa pasahero pati na sa drayber kapag nabangga.
Alam kong hindi matatanggal ang tricycle sa kalye, maliban na lang kung talagang may kakayanang pulitika ang mga pinuno ng bansa ukol dito. Pero dapat pag-aralan kung saan lang sila pwedeng mamasada. May mga kalsada na dapat bawal silang bumaybay, dahil delikado. Ang mga aksidenteng naganap ay patunay lang na ang tricycle ay peligrosong sakyan sa hindi binabagayang kalsada, maging sa Metro Manila o sa lalawigan.