INAMIN ng isang propesor ng pelikula na hinarang niya nu’ng 2009 ang paghirang kay Dolphy (Rodolfo Vera Quizon Sr.) bilang National Artist. Dalawa aniya ang isyu niya laban kay Dolphy. Kinutya umano nito ang kabaklaan sa mga comedy movies niya. Samantala, dinakila niya ang karukhaan sa kanyang TV sit-coms.
Tiyak merong papanig sa pananaw ng propesor -- at tiyak meron ding sasalungat. Marami akong kilalang mga gay na imbis maasiwa ay natuwa sa pagganap ni Dolphy na bakla sa Jack en Jill. Lalo na nu’ng sundan ito ng sariling productions ng Facifica Falayfay, Fefita Fofonggay, at Carioca: Echos de America. Ipinakita sa mga ito na nakakatawa ang maraming karaniwang eksena sa buhay Pilipino. Meron ding mga kritiko ng sining na iba ang interpretasyon sa pagganap ni Dolphy ng maralitang padre de pamilya sa John en Marsha at Home Along da Riles. Idiniin niya dito ang kahalagahan ng sikap, tiyaga, pasensiya -- at tatag ng pamilya sa anumang pagsubok.
Hindi lang sa comedy pinasaya ni Dolphy ang Pilipino. Nanalo siya ng FAMAS Award for Best Actor sa magka-tambal na papel na kabutihan at kasamaan sa Omeng Satanasia. Naging Best Supporting Actor din siya sa Metro Manila Film Festival sa Rosario. Mas matindi, nagwagi siya ng Best Actor at Best Actress awards sa Brussels International Film Festival sa drama na Markova: Comfort Gay.
Ilang henerasyon ng Pilipino ang nakakilala at nakapanood kay Dolphy, mula dekada-50 hanggang nu’ng nakaraang taon. Lahat humanga. Nang ibinalita ng Martes nang gabi na pumanaw na si Dolphy, edad-83, napaluha ako. Naalala ko kasi ‘yung maraming beses na pinahalakhak niya ako.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com