Parangal kay Pidol hirit ng Solon
MAGHAHARAP daw ng resolusyon si Manila Rep. Atong Asilo ng isang resolusyon para bigyan ng parangal at komendasyon ng Kamara de Representante ang yumaong Comedy King na si Rodolfo “Dolphy” Quizon.
Ang dapat na parangal kay Dolphy ay ang National Artist Award na naging mailap sa kanya hanggang sa araw ng kanyang kamatayan. Of course, ang rekomendasyon ni Rep. Asilo ay welcome kahit huli na pero nakalulungkot na si Dolphy, na sa loob ng mahigit 60-taon ay nagpasaya sa taumbayan ay hindi tumanggap ng parangal na dapat nakalaan sa kanya.
Sa kanyang rekomendasyon, tinuran ni Asilo na si Dolphy ay tunay na “anak ng Tondo” at kaisa-isang “King of Comedy.” Totoo naman iyan at hindi mapapasubalian. Malamang nga’y abutan pa ng kung ilang dekada bago makapag-produce muli ng isang komedyante sa kalibre ni Dolphy.
Kitang-kita naman sa dagsa ng mga taong nakiramay ang pagmamahal sa kanya ng kanyang mga tagahanga. Bata, matanda, babae lalaki na dumagsa sa kanyang burol sa ABS-CBN at Heritage Park. Libo-libo silang dumagsa sa dalawang lugar na pinagburulan sa hari ng komedya.
Korek ang Solon sa pagsasabing ehemplo si Dolphy ng isang mahirap na umangat ang estado sa buhay. Inspirasyon ito sa mga taong halos walang makain at yung iba’y nagpapakamatay na lang.
Kung matutunghan ang istorya ni Dolphy, posibleng mabuhayan sila ng pag-asa. Ngayo’y namaalam na si Dolphy at matiwasay na naihatid sa libingan kahapon sa isang okasyong “pampamilya” lang at hindi binuksan sa mga fans. Hindi naman ito dapat ipagdamdam dahil tao rin si Dolphy na may sariling mga kaanak na gustyo siyang masolo sa huling araw man lang bago tuluyang ilibing.
Ano’ng sikreto ni Dolphy? Marami rin namang halos kasing-husay niya sa pagpapatawa pero ang aspetong nagpaangat sa kanya ay ang pagiging tunay na kaibigan para sa lahat. Walang yabang at matulungin sa mga nangangailangan.
- Latest
- Trending