NAKAPANGANGAMBA ang nangyayari na madaling makatakas ang mga bilanggo sa mga provincial jail. At hindi lamang basta-basta bilanggo ang nakatatakas kundi mga mapanga-nib na bilanggo. Ano ba ang nangyayari sa mga jail na tila malalambot ang rehas at sa isang iglap ay nakatatakas ang mga criminal?
Gaya nang nangyaring pagtakas ng 11 preso sa Cotabato provincial jail noong nakaraang linggo. Nilagari ng mga preso ang rehas sa kubeta ng jail at saka umakyat sa pader.
Isa sa mga nakatakas si Datukan Samad alyas Lastikman. Si Lastikman ay miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at responsible sa maraming kaso gaya ng kidnapping, pambo-bomba at pagnanakaw. Noong nakaraang Pebrero, tinangkang iligtas si Lastikman ng kanyang grupo pero hindi nagtagumpay sapagkat lumaban ang mga guard ng jail sa Kidapawan, Cotabato.
Sa ikalawang pagkakataon, nagtagumpay si Lastikman at kanyang mga kasama na makatakas. Habang sinusulat ang editorial na ito, wala pang nahuhuli sa mga tumakas na bi lang-go. Sinibak naman ang warden ng jail. Ayon sa balita, ang naghahawak ng susi ng jail ay bilanggo.
Kakatwa naman na isang araw bago ang pagtakas, pinuri pa ni President Noynoy Aquino ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) dahil 60 percent ng mga nakatakas na inmates ay nadadakip. Sabi ni P-Noy, mahusay umano ang pinatutupad na sistema ng BJMP. Binanggit din ang pagiging alerto ng mga guard sa Kidapawan noong Pebrero nang lumaban sa grupong magre-rescue kay Lastikman.
Tila nagkamali si P-Noy sa pagpuri sa BJMP. Dapat magkaroon ng pagbabago. Magkaroon ng paghihigpit at maging mapanuri sa itatalagang jail warden.