Madilim ang Metro Manila at karatig na siyudad
BAGAMA’T naniniwala ako na kailangang magtipid ang pamahalaan, national at local, hindi naman dapat isama sa pagtitipid ang mga ilaw sa kalye. Kaysa aksayahin ang kuwarta ng bayan sa mga ilaw na overpriced pero mahihinang klase, bakit hindi maglagay ng mga tamang lighting system ang mga local na pamahalaan ng Metro Manila at karatig pook.
Kahapon ay nagtungo ako sa Montalban upang dalawin ang isang kaibigan. Medyo ginabi ako at nagulat dahil super dilim sa tinatawag nilang zigzag road sa boundary ng Quezon City at Montalban.
Wala ni isang ilaw kaya super dilim. Takaw-aksidente at tukso ang lugar na ito. Takaw aksidente sa sinumang nagbibiyahe rito at tukso para sa mga masasamang-loob. Ang pamahalaan, hindi ko alam kung national o local ay walang ginagawa upang ilawan ang lugar na ito.
Nakakainis ang ganitong kapabayaan lalo na at nakikitang naglulustay ng pera ang ilang local na pamahalaan sa mga ilaw na walang silbi kung hindi gawing decoration at pinagkakakitaan ng ilang tiwaling opisyal.
Tandaan sana ng mga magagaling na opisyal na ito na panganib ang dinudulot ng kanilang kapalpakan. Masasabi kong may dugo sa kamay nila kung sakaling may mapahamak sa lugar.
Sana malagyan ng ilaw ang boundary ng QC at Montalban bago may mangyaring aksidente o krimen.
* * *
Nananawagan din ako sa LTO at ibang traffic enforcers na tutukan ang mga jeepney at tricycle na nagtitipid sa ilaw.
Maraming aksidente dahil dito. Matagal nang suliranin ito pero natutulog sila sa pansitan. Pakiusap, gawin n’yo naman ang trabaho kung ayaw isiping nakikinabang kayo sa mga pampasaherong jeepney at tricyle.
* * *
Para sa anumang reaksyon o suhestiyon, e-mail sa [email protected]
- Latest
- Trending