SA kabila ng alitan natin hinggil sa Scarborough Shoal, ng Vietnam hinggil sa Paracel Islands at sa iba pang bansa na umaangkin din sa Sprtaly Islands, nakakabangga na rin ng China ang Japan dahil rin sa pag-aangkin ng ilang isla sa karagatan. Kailan lamang ay pinatawag ang ambassador ng China sa Japan para ipaliwanag ang mga pahayag nito ukol sa Senkaku Islands, na sa kanila raw iyon magmula pa ng panahon ni Limahong! Pero ito na lang lagi ang pangangatwiran ng China hinggil sa inaangkin nitong mga isla sa halos lahat ng karagatan ng Asya! Na sila ang unang nakadiskubre ng mga isla kaya sa kanila iyon. Hindi na bale kung may mas malakas na ebidensiya na pag-aari ng ibang bansa. Dahil sila raw ang mga unang tao, kanila iyon.
Kung ganun ang pangangatwiran na tama, eh di sa mga Kastila pala ang buong Pilipinas, at sa mga taga-UK ang buong Amerika! Ang South Africa ay pag-aari ng Netherlands. At sa Iraq nga ang Kuwait! Kaya kailangan talaga ng isang kasunduan o “code” na dapat sundan ng lahat, habang may pagtatalo sa pag-aangkin ng mga isla. Sa totoo lang, may batas naman ang karagatan, kung saan pumirma rin ang China. Pero ngayon na nagiging malinaw na mayaman sa langis at iba pang mahalagang bagay ang mga isla, binabalewala ng China ang batas na ito at inaako ang lahat!
Kaliwa’t kanan na ang nakakabangga ng China pagdating sa mga isla o lupain sa karagatan. Dati, mga maliliit na bansa lang katulad natin at Vietnam ang nakakabangayan. Ngayon, pati Japan na rin. Hindi puwedeng itulak-tulak lamang ang Japan. Kaya hindi ganun kaangas ang China sa Japan dahil alam na kayang-kaya silang banggain, kayang-kaya silang tapatan kung sandatahang panlakas lang ang pag-uusapan! Dito makikita ang tunay na kulay ng China.
Sa dami ng mga isyu sa West Philippine Sea, pati na rin sa karagatan ng Japan, palapit nang palapit na ang pagpasok ng Amerika sa usapan. Dumalo nga si Sec. Hillary Clinton sa miting ng ASEAN, para patibayin ang relasyon ng Amerika sa ASEAN. Tingin ko, malapit nang maging mainit ang usapan ukol sa mga pinagtatalunang isla. Huwag naman sana sumobrang init na umapoy na lang at maraming masunog!
Iyan ang hindi kailangan ng lahat, kasama ang China, kahit gaano pa sila kalakas o kalaki!