Editoryal - Kahit walang Cha-cha...
MULI na namang binubuhay ang Charter change (Cha-cha). Ilang beses na itong pinatay at inilibing noon pero binubuhay muli ngayon. Akala nang marami, nanahimik na ang mga nagsusulong ng Cha-cha pero hindi pa pala sapagkat ngayon ay muli na namang lumulutang. Noong panahon pa ni President Fidel Ramos uminit ang usapin sa pag-amyenda sa 1987 Constitution. Marami raw dapat amyendahan lalo na ang bahaging may kinalaman sa economic provisions. Pero hindi nakalusot ang sinusulong na pag-amyenda.
Noong panahon ni President Estrada ay lumutang din ang pag-amyenda sa Constitution subalit wala ring nangyari. Hindi nagtagumpay sapagkat pawang negatibo ang nakikita. Pansarili umano ang dahilan kaya nais amyendahan ang Constitution. Gustong mapalawig ng mga pulitiko ang termino ng kanilang panunungkulan.
Noong panahon ng Arroyo administration, lalo nang naging mainit ang usapin sa pag-amyenda sa Constitution. Kailangan na raw maamyendahan para magkaroon ng pagbabago sa bansa. Titibay at gaganda ang ekonomiya sa sandaling magkaroon ng Cha-cha. Sa pamamagitan lamang umano ng Cha-cha makakamit ang pagganda ng ekonomiya at makikinabang dito ang taumbayan. Sabi pa, magkakaroon nang hanapbuhay ang maraming Pilipino sapagkat papasok ang maraming investors. Magiging maluwag ang bansa para marami ang mamumuhunan. Pero hindi na naman nakalusot sapagkat halatang-halata na kaya gustong magka-Cha-cha ay para mapalawig ang panunungkulan.
Ngayong termino ni President Noynoy Aquino, walang ipinagkaiba sapagkat marami na naman ang nagsusulong sa Cha-cha. Pero, tutol si Aquino sa balak na pagbuhay sa Cha-cha. Laban siya sa anumang uri ng pag-amyenda sa Constitution. Hindi raw ito kailangan. Gaganda at sisigla raw ang ekonomiya kahit walang Cha-cha.
Maganda naman at sa una pa lamang ay laban na si Aquino sa Cha-cha. Tama siya na kahit walang Cha-cha ay uunlad ang bansa. Huwag pagtuunan ng pansin ang Cha-cha, bagkus ang pagsikapan ay malutas ang problema ng mamamayan na nadarama ang kahirapan. Marami pa ring kumakalam ang sikmura at nagrerebelde ang bituka.
- Latest
- Trending