NAISULAT ko na higit na matimbang ang kandidatura ng mga nakaupo nang mahistrado sa posisyon ng Chief Justice. May advantage sila hindi lamang sa pulso sa pagpasya sa kaso, kung hindi rin dahil sanay na sila sa pulitika ng Mataas na Hukuman. Kung nailalathala lamang sa publiko ang mga labanan sa loob ng Korte tuwing may sensitibong usapin na kailangang pagpasyahan, malalaman ng lahat na ang ating respetadong mga hukom ay hindi magpapahuli sa pinaka-masalimuot na telenobela pagdating sa mga taktikang gamit upang makamit ang hinahangad na resulta sa bawat kaso.
Sa ganitong pamantayan ay lamang ang mga nominadong Senior Justices dahil hindi na sila magkaka-culture shock pagdating sa mga closed door sessions ng Hukuman. Maging ang mga batikan na mahistrado ay hindi mahihirapang magbigay pugay, tiwala at respeto sa isang dati nang kasamahan at matagal na ring sinasaluduhan. Siyempre, kapag outsider ang pipiliin, lalo pa iyong walang karanasan sa Hudikatura o yung may rekord na hindi nirespeto ang Supreme Court, ay matatagalan bago magkaroon ng malusog at produktibong working relationship ang Korte. Sa mga sensitibong panahon na ganito’y wala tayong oras para sa isang magmamatrikula pa.
At ngayong bubuksan ng Judicial and Bar Council (JBC) sa publiko ang mga gaganaping interview ng mga nominado, ang pinakamagandang balita ay ang deklarasyon ng mga nominadong Justices na sila rin ay makikilahok sa proseso. Marami kasing nag-alala na baka maulit ang nangyari noong 2006 nang ang mga Senior Justices na ipapalit sa nagreretirong Chief Justice Artemio Pa-nganiban ay pawang tumanggi sa public interview. Anila’y na-interview na raw sila nang hiranging Associate Justice kaya bakit ito kailangang ulitin?
Malaki ang naitutulong ng public interviews sa pagpili ng mga miyembro ng Hudikatura, ang tanging kagawaran na nakatago sa publiko ang mga proseso. Ang exposure ng mga kandidato sa publiko at ang pressure ng publisidad sa kanilang mga sagot sa katanungan ay higanteng suyod para mahuli ang mga kutong nakatago sa kanilang makapal na kuwalipikasyon. Sunlight is the best dis-infectant.
Isang tagumpay ang pagtanggap ng hamon nina Justices Carpio, Velasco, De Cas-tro, Brion, Abad at Sereno na muling sumailalim sa public interview alang-alang sa transparency and accountability.