Ano ka: Carrot, itlog o kape?

UMAANGAL ang isang bata sa kanyang ama. Nakaka-inis na raw ang buhay. Aniya, “Tatay, hindi ko alam kung papano ako tatagal; sawa na akong magsikap; gusto ko nang sumuko. Sa bawat nalutas na problema, may bagong sumusulpot.”

Niyaya ng ama ang anak sa kusina. Tatlong kaldero pinuno niya ng tubig at pinatong sa high heat na kalan. Di naglaon, kumulo ang tubig. Sa unang kaldero, naglaglag ang ama ng carrots. Sa ikalawa, mga sariwang itlog. Sa ikatlo, giniling na coffee beans. Walang kibo, hinintay niya ito muling kumulo.

Naiinip sa paghintay ang bata. Matapos ang 20 minuto, pinatay ng ama ang kalan. Inalis ang tubig sa unang kaldero at nilatag ang carrots sa mangkok. Ang mga itlog, sa ikalawang mangkok. Ang kape, sa ikatlo.

 Ano’ng nakikita mo, tanong ng ama sa bata. “Carrots, itlog, at kape,” sagot ng anak. Pinalapit niya ang bata, at pinasundot ng tinidor ang carrots, na malambot na. Pinabasag niya ang isang itlog. Pagtalop ng balat, napansin ng bata na hardboiled na ito. At pinaamoy at tinikman niya ang kape. Napangiti ang bata sa bango at sarap nito.

 “Ano ang ibig sabihin nito?” mapagkumbabang tanong ng bata. Ipinaliwanag ng ama ng bawat isa ay nilubog sa kumukulong tubig, sa problema. At bawat isa ay may sariling reaksiyon.

Lumusong ang carrots sa tubig na matigas at matatag, pero umahon nang malambot at malata. Prinotektahan ng babasaging itlog ang malambot nitong laman, hanggang tumatag. Pero kakaiba sa lahat ang giniling na coffee beans. Sa kumukulong tubig, hindi sila ang nabago, kundi binago nila ang tubig: Pinakulay, pinabango, pinalasa.

Maihahambing din ang pagkatao mo sa reaksiyon sa problema.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail:jariusbondoc@gmail.com

Show comments