HINDI mo talaga mapapasaya ang lahat ng tao. At totoo ito sa bagong Executive Order na nilabas ng Palasyo ukol sa pagmimina sa bansa. Base sa bagong EO, bawal na magmina sa 78 lugar sa Pilipinas. Mga lugar na dinedebelop para sa turismo, mga lupa na tataniman at mga lupa na sakop ng Comprehensive Agrarian Reform Program. Sa puntong ito, maganda naman ang bagong EO sa pagmimina, dahil magkakaroon na ng proteksyon ang mga lupang nabanggit mula sa pagmimina. Okay yun, di ba?
Gusto ring itaas ng gobyerno ang buwis sa mga pagmimina mula 2% magiging 5-7%. Sa madaling salita, mas malaki ang hinihinging kita ng gobyerno mula sa mga yamang-lupa ng bansa. Hindi rin naman masama ito kung sa mamamayan din pupunta ang mga kita mula sa pagmimina, at sa administrasyon ni President Aquino, magagawa naman iyon.
Bawal na rin ang paggamit ng mercury sa pagminina. Ginagamit ang mercury sa pagmimina ng ginto. Peligroso ang mercury at napakasama sa kalikasan, kaya bawal na ito. Marami na ang nagkasakit dahil sa paggamit ng mercury.
Ang hindi sinasang-ayunan ng ilan ay ang pagpara-ngal ng gobyerno sa mga kontrata ng pagmimina bago nilabas ang bagong EO. Ang gusto kasi nila ay itigil ang lahat ng pagmimina sa bansa. Mga ilang obispo naman ng simbahang Katoliko ay kontra rin dahil mga kompanya lang daw ang makikinabang, at malaki ang danyos sa kalikasan. Para sa simbahan, anumang uri ng pagmimina ay mali.
Tulad ng nasabi ko, hindi mo mapapasaya ang lahat ng tao, kahit na gaano pa kaganda ang iyong intensyon. Balanse na lang siguro ang kailangan. Sayang naman ang likas na kayamanan kung hindi mapapakinabangan nang maayos ng bansa, lalo na’t mahirap na bansa lang ang Pilipinas. Kung makakatulong sa ekonomiya, bakit hindi? Kung hindi pakikinabangan ang mga yaman ng lupa, bakit pa natin ipinaglalaban ang Spratlys at Scarborough Shoal? Pero kailangan pa rin respetuhin at alagaan ang kalikasan, pati na mga importante at sagradong lugar. Importante rin ang kultura. Kaya imbis na magkontrahan, bakit hindi na lang magtulungan? Kung mamimina naman nang maayos ang yaman ng bansa, bakit masama iyon? Maraming bansa ang nakikinabang nang maayos sa pagmimina ng kanilang likas na kayamanan. Bakit hindi tayo?