MAY kakaibang appeal pa rin ang mga official acts ng lokal na pamahalaan ng Maynila. Bilang Kapitolyo ng bansa, ang anumang desisyon ng pamahalaang lungsod ng Maynila ay umeepekto at dumadagundong sa buong kapulungan. “Where Manila goes, the Nation goes.”
Tulad na lamang ng panukalang plastic bags at styrofoam ban. Pang-anim na yata sa Metro Manila ang Lungsod ng Maynila na magbabawal dito. Sa kabila nito’y binabalita pa rin sa tri-media ang napipintong pagpasa ng ordinansa ng Maynila. Maging ang Philippine Plastics Industry Association na pambansang organisasyon ng mga mangangalakal sa plastics ay ngayon lang maririnig na magkomento. Siyempre, takot silang magsunuran ang mga sanggunian sa probinsya. At ang isa pa’y nasa Maynila ang Divisoria at iba pang malalaking public markets na umaasa nang malaki sa kanilang produkto.
Kung tutuusin, ang mga mangangalakal na ito na pumupondo sa mga konsehal ang unang kikilos upang makiusap na huwag nang ituloy ang panukala. Sa kabila nito’y hindi umuurong ang inyong mga lingkod bayan at patuloy na sinusulong ang plastic bag and styrofoam ban. Malinaw na para sa Konsehong ito, higit na mahalaga ang kinabukasang iiwan sa mga susunod na henerasyon kaysa kaunting ginhawang hatid ngayon ng plastics at styro.
Ang konsensiya ng Konseho ay napatunayan din sa nakaambang na panukalang ipagbawal ang lahat ng uri ng pagsugal sa lungsod. Siyempre, liban dito ang mga sugal na pinapayagan ng PAGCOR na may pangnasyonal na prankisa. Gaano man kalaki ang maaring kitain ng Lungsod ay hindi matutumbasan ang kawalan ng moralidad, krimen at katamaran na binubunga nito.
Ang target ng panukala ay ‘yung mga may lisensya na sa PAGCOR tulad ng E-Bingo na dapat pa rin kumuha ng permiso sa Lungsod kapag magtatayo sa malapit sa paaralan at simbahan. Tila binabalewala ng mga operator ang requirement na ito kaya hinamon sila ngayon ng ipatatanggal lahat.
Sa ilalim ng panukala ay lusot pa rin ang mga PAGCOR permitted operators. Hindi maaaring ipagbawal ang magtayo sa loob ng lungsod subalit may kapangyarihan ang pamahalaang lungsod na itukoy ang mga lugar kung saan sila maaring mag-operate. Kung bawal ang sugal sa malapit sa simbahan at eskwelahan at ayaw nilang lumipat, ipahuli na lang ang mga operator na sumusuway at tapos ang lahat ng problema.