Nagkakalasug-lasog ba ang passport mo?
NAPAPADALAS na raw itong mangyari sa Philippine passports. Kapag bunutin ito mula sa plastic cover (na nabibili sa labas ng buildings ng Department of Foreign Affairs), naiiwan ang kulay nito. Hindi lang ‘yon, nagkakalasug-lasog ang mga pahina; humihiwalay sa marupok na cover page. Naaantala, nasisita, napapahiya tuloy ang mga overseas workers at biyaherong Pilipino.
Ang may kasalanan umano ay ang Bangko Sentral ng Pilipinas. Ito kasi ang may kontrata sa DFA na mag-imprenta ng e-passports. Pero hindi mismo ang BSP ang nag-iimprenta, dahil abala ito sa ibang gawain. Isina-subcontract niya ito. Ang may hawak ng subcontract nitong nakaraang apat na taon ay ang kumpanyang Oberthur ng France, kasosyo ang local na Sinophil. Ang singil ng Oberthur-Sinophil sa DFA sa bawat passport ay $5.
Dahil palipas na ang printing contract ng Oberthur-Sinophil, nagkaroon ng bagong bidding nu’ng Pebrero. Aba’y ang pinaka-mababang bid ay $2.50 lang kada passport — mula sa Oberthur-Sinophil. Ibig sabihin, apat na taon siyang nakinabang sa dobleng singil sa 4 milyong passports taun-taon.
Ito pa ang gusot. Dahil sa maraming complaints tungkol sa nagkakalasug-lasog na passports, humingi ng matinong sample ang BSP sa Oberthur-Sinophil. Dalawang beses, hindi ito nakapagbigay, kaya na-disqualify sa post-bidding.
Pero ang kataka-taka, nagkaroon ng emergency order ang BSP ng 350,000 passports, dahil sa mga naka- binbin na applications. At ang kinontrata para dito ay ang Oberthur-Sinophil na dating overpriced at low quality ang produkto. Papaano nangyari ito?
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest
- Trending