KADALASAN ang isang tao ay nakikilala at hinahangaan sa lahat ng kanyang nagawang kabutihan sa ibang bayan. Para bang isang gawaing sikolohikal na hindi matanggap na lubusan ang mga pag-asenso ng isang kababayan. Manapa’y meron kaagad silang mga pagwari sa katauhan ng kapwa. Maging sa Lumang Tipan ay nasaad sa Ezekiel na makinig man sila o hindi ay malalaman nilang may isang propeta sa gitna nila.
“Nilukuban ako ng Espiritu at itinayo ako upang pakinggan ang isang tinig na nagsasabi: “Tao, susugin kita sa Israel, sa bansang suwail, matigas ang ulo at walang pitagan.” Dito natin mapapagwari ang ating ugali. Sa halip na hangaan at ipagmapuri ang ating kababayan ay pawang mga pagbabalik-tanaw. “Ala e, di ga’t iyan ay anak ni Ka Petron na magbubuli at ni Ka Sayong, nagpari pala ay bakit? Paano nila napag-aral ang batang iyon?” Ayon sa Salmo: “Mata nami’y nakatuon sa awa ng Panginoon.” Naalaala ko ang sinabi sa aking pinsan: “Ala e, di ga’t labandera lamang ng mga mayayaman sa bayan si Santa. Aba e mga propesyonal na pala ang mga anak at may mga kotse pa.” Sa halip na ipagmapuri ng mga kababayan ay pawang mga nakalipas ang mga pinag-uusapan.
Maging si Hesus sa Kanyang pangangaral at pagpapagaling ay hindi rin matanggap ng mga kababayan. “Ang propeta’y iginagalang ng lahat, liban lamang ng kanyang kababayan, kamag-anak at kasambahay.” Sa halip na magpasalamaat sa Diyos at kahangaan si Hesus ay nagtanungan pa: “Saan nya nakuha ang lahat ng iyan. Anong karunungan itong ipinagkaloob sa Kanya”? Ang tanging alam nila ay si Hesus ay isang karpintero at paano siya makakagawa ng kababalaghan. Sa halip na hangaan at magpasalamat kay Hesus sa Kanyang mga himala ay siniraan pa nila. Kaya sa ating paglapit kay Hesus ay humingi tayo ng kapatawaran sa mga kasalanan bago natin hingin sa Kanya ang ating mga kailangan.
Kadalasan tayong mga Pilipino ay hindi matanggap ang naganap sa ating kapwa. Ang palaging tinitingnan ay mga nakalipas. Ang pinakamahalaga ay ang biyaya ng Diyos ngayon at kasalukuyan, hindi kahapon at bukas!
Ez 2:2-5; Salmo 123; 2Cor 12:7-10 at Marcos 6:1-6