Dr. Elicaño, ano po ba itong cancer sa nasopharynx? Totoo po bang dahil ito sa pagkain ng tuyong isda? – M. S. Dampol, Valenzuela City
Tinawag itong cancer sa nasopharynx o nasopharyngeal cancer dahil located sa likuran ng ilong at nasa gawing itaas ng lalamunan. Karaniwang nagkakaroon ng cancer na ito ay mga kalalakihan na may edad 35 hanggang 55. Ang mga Chinese (lalo na ang mga Cantonese) ang karaniwang nagkakaroon ng sakit na ito at ang tinuturong dahilan ay ang pagkain ng dried fish. Ganunman, itinuturo ring dahilan ang isang uri ng virus. Bihira naman ang sakit na ito sa US o Europe.
Sintomas ng nasopharynx cancer ang bukol sa leeg, pagbabara, pagkakaroon ng discharge at pagdurugo ng ilong, umuugong ang taynga, pamamanhid ng pisngi at pananakit ng ulo.
* * *
Dr. Elicaño, bakit po ang cancer sa cervix ay karaniwang tumatama sa mga kababaihang nasa edad 30 hanggang 50? — Elle A. ng Muntinlupa City
Karaniwang tinatamaan ng cancer sa cervix ay mga kababaihang may poor personal hygiene o hindi malinis sa kanilang katawan at nasa edad 30 hanggang 50. Nagkakaroon din ng cancer ang mga babaing maagang nag-asawa, nanganak nang marami at mga babaing kung sinu-sinong lalaki ang nakatalik o sex partners.
* * *
Dr. Elicaño, kailan po nararamdaman ang kirot o sakit ng cancer? — LUIS D. ng Marikina
Ang cancer kapag nasa early stage ay hindi masakit o walang nararamdaman ang pasyente. Nagsisimula ang sakit o kirot kapag mayroong infection o pamamaga. Kapag nasa advance stage na ang cancer, mararamdaman ang grabeng sakit lalo na kapag may nerve involvement, damage sa mga buto at pressure sa sensitibong bahagi.