TANYAG sa mundo ang mga libro ni Ron Kurtus tungkol sa wastong paghawak ng pera. Payo niya, dapat may sapat na pera para mabili ang mga dapat at inaasam. Sinasagot niya ang mga tanong: Paano kikita ng pera? Bakit kailangan mag-ipon? Paano gumasta? Ito ang ilang sagot:
Pagkita. Habambuhay na gawain ang pagkita, mula pagkabata hanggang pagtanda. May batang tumatanggap ng allowance mula sa magulang, merong nagtatrabaho nang maaga. Bago bumukod sa magulang, pag-isipan kung anong trabaho ang pagkikitaan nang sapat. Malamang na maganda ang kita ng nakapag-aral; nakakapag-negosyo pa. Kung kulang ang pinag-aralan, dapat maghasa ng vocational-technical skills. Tapos, planuhin ang kinabukasan. Mainam na sa senior age ay may pondong pangretiro mula sa trabaho, o investment, o inipon sa banko.
Pag-ipon. Kadalasan nauuna ang paggasta bago isipin ang pag-ipon. Pero kung meron kang nais bilhin na mas malaki kaysa kinikita sa isang kinsenas, dapat pag-ipunan ‘yun. Maari itong ipangutang o kumuha ng credit card, pero kailangan pa rin patunayan ang kakayahang magbayad. Dapat magpakita ng deposito sa banko, mahusay na record sa trabaho, at ari-arian. Kadalasan hilo ang mga anak-mayaman dahil hindi natuto magtipid, di tulad ng walang kaya na pinag-ipunan pati pang-kolehiyo.
Paggasta. Utak ang kailangan, para hindi humigit ang gastos sa kita at ipon. Mainam sa teenagers na sumubok magtrabaho habang school break para matutong mag-budget nang tama ng sariling kita. Unahin dapat ng adults at seniors bilhin ang mga pangangailangan -- pagkain, gamot, pamasahe, upa, utilities -- bago ang luho.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com