EDITORYAL - Hanapin ang pumatay kay Geertman
HINDI pa natatagalan nang magpahayag ng pa-ngamba ang mga representatives ng 69 na bansa sa United Nations Human Rights Council sa Geneva, Switzerland dahil sa mga nangyayaring pagpatay, pagdukot at pag-torture sa Pilipinas. Anila, sunud-sunod ang mga paglabag sa karapatang pantao at bigo naman ang pamahalaan ng Pilipinas na mabigyan ng proteksiyon ang mamamayan. Marami sa mga nangyaring pagpatay, pag dukot at pag-torture ay hindi pa nalulutas. Marami ang nauuhaw sa pagkakamit ng hustisya.
At mayroon na namang nadagdag sa listahan ng mga pinatay. Noong Martes, dakong alas-dose ng tanghali, binaril at napatay ang Dutch missionary na si Willem Geertman, 67, habang nasa loob ng kanyang opisina sa Bgy. Telebastagan, San Fernando Pampanga. Si Geertman ay executive director ng Alay Bayan Inc. (ABI).
Ayon sa nakasaksi, kararating pa lamang umano ni Geertman kasama ang kanyang tatlong staff nang pumasok ang dalawang gunmen na nakasakay sa motorsiklo. Galing umano sa banko sina Geertman at nag-withdraw ng pera.
Ayon pa sa nakasaksi nakita niyang nakaluhod si Geertman habang binabaril ng isa sa mga lalaki. Pagkatapos ay mabilis na tumakas ang mga suspect. Sinundan umano ng nakasaksi ang mga salarin pero iniumang sa kanya ang baril. Tangka sana niyang kunin ang plate number ng motorsiklo pero muli siyang inumangan ng baril. Nakatakas ang tandem.
Si Geertman umano ay aktibo sa pagtulong sa mga magsasaka sa Hacienda Luisita. Ayon sa isang opisyal ng Anak-Pawis partylist, pinatay si Geertman dahil sa kanyang advocacy na magkaroon ng tunay na land reform, rural improvement at social justice sa bansa. Si Geertman ay 30 taon na sa Pilipinas at mahusay nang magsalita ng Filipino.
Sunud-sunod ang extra-judicial killings sa bansa at walang magawa ang pamahalaan para ito mapigilan. Laganap ang paglabag sa karapatang pantao. Parang manok na basta na lamang binabaril ang mga taong pinaghihinalaang makakaliwa. Patuloy ang pagdukot at pag-torture.
Magsasalita na naman si P-Noy sa kanyang State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 23, 2012. Ano kaya ang masasabi niya sa mga nangyayaring pagpatay lalo na sa Dutch missionary?
- Latest
- Trending