'GPRS'

LAHAT nang paraan ginawa na pero hindi mapipigilan ang BITAG na isiwalat sa publiko ang itinatagong katiwalian ng nagmamay-ari ng Global Pinoy Remittance and Services (GPRS).

Noong nakaraang Biyernes ng gabi, hindi naipalabas ang episode na inihanda ng BITAG na GPRS.

Isang araw bago ang takdang panahon ng pag-ere nito sa TV 5, nakarating sa BITAG ang impormasyon na isa sa mga kapatid pa namin sa media mismo ang nagtatangkang arborin ang istorya.

Mula sa isang sumbong ng biktimang nag­-franchise ng kanilang serbisyo na nakadiskubre ng panlolokong ginagawa ng GPRS sa mga tao.

Kuwento ng biktima, buo ang tiwalang nagbabayad ang mga tao sa kanila ng mga bills sa kuryente, tubig, telepono at iba pang bayarin sa umpisa.

Pero wala pang isang linggo nang buksan nila ang kanilang negosyo, samu’t saring reklamo na ang du­mating sa kanila.

Ang siste, ang mga ibinabayad pala ng mga kostumer sa kanila ay hindi naihuhulog sa kanilang account.

Kaya naman sa tulong ng BITAG at Criminal Investigation and Detection Group, kilos pronto kaming nagsagawa ng isang entrapment operation.

Hulog sa BITAG ang mga ahente at empleyado ng kumpanyang GPRS.

Kampante ang BITAG na nasa panig kami ng kato­tohanan dahil ang lahat ng aming tinatrabaho ay dokumentado, may basehan at masusing pinag-aaralan.

Labis na ikinagulat ng BITAG noong Biyernes ng gabi nang ibalita sa amin na tuluyang naharang ang pagpapalabas ng aming episode sa telebisyon.

Tagumpay ang kumpanya ng GPRS na magpalabas ng Temporary Restraining Order (TRO).

Pitumpu’t dalawang oras lamang ang bisa ng TRO na inihain sa korte ng GPRS laban sa pagpapalabas ng BITAG ng aming episode na sila ang pangunahing paksa.

 Pero ngayong tapos na ang bisa nito, hindi magpapapigil ang BITAG na isapubliko ang katotohanan sa likod ng GPRS.

Panoorin sa BITAG Live – Extreme ang kabuoang dokumentasyon ng kontrobersyal na kumpanyang GPRS.

Show comments