Ikonsidera ang kredibilidad ng SC
SARADO na ang nominasyon para sa itatalagang Chief Justice ng Korte Suprema. Ngayo’y dadako na tayo sa kritikal na yugto: Ang pagpili ni Presidente Aquino sa mga pangalang ihaharap sa kanya ng Judicial and Bar Council (JBC).
Dahil sa delicadeza, huwag na sanang piliin ng Pangulo ang nominadong nagkaroon ng partisipasyon sa pagpapatalsik kay Renato Corona bilang Punong Mahistrado. “Bad taste” ito kung magkakagayon.
Kamakalawa, sinabi ng Malacañang na walang assurance na ibinigay ang Pangulo kay Justice Secretary de Lima na isa sa mga nominado. Ngunit sa palagay ko, si de Lima na sana ang kusang umatras sa nominasyon dahil isa siya sa mga testigong nagdiin kay Corona kaya napatalsik sa nangyaring impeachment trial. Tama naman ang ginawang pag-atras ni BIR Commissioner Kim Henares sa nominasyon sa kanya dahil isa rin ito sa mga tumestigo laban kay Corona.
Ang hangad natin ay magkaroon ng Kataastaasang Hukuman na hindi madidiktahan ng Pangulo kaya sana’y mapili ang isang taong bukod sa may kakayahan ay may malayang kaisipan. Alinsunod sa batas, ang Pangulo lamang ang may awtoridad na humirang ng Punong Mahistrado na magmumula sa mga mapipili ng JBC.
Ipuwera na rin sana ng Pangulo ang mga nominado na nagsilbing prosecutors, judge o testigo o ang mga inaakalang nagsabwatan upang mapatalsik sa pwesto si Corona. independence.
Marami kasi ang nangangamba na baka magkaroon ng isang “Aquino court” kung ang maitatalagang Chief Justice ay kilalang kasanggang-dikit ng Pangulo. Huwag naman sanang mangyari ito.
- Latest
- Trending