'Modus sa bus'
KAMAKAILAN lamang ay naging paksa sa kolum na ito ang talamak na holdapan sa mga FX taxi sa bahagi ng Baclaran.
Ilang araw matapos itong mailathala, nakarating sa kaalaman ng BITAG ang panunumbalik ng lumang estilo ng pangmo-modus sa mga pampasaherong sasakyan partikular na sa mga bus sa lansangan.
Zesto Gang ang bansag sa mga dorobong umaakyat sa mga bus para magbenta ng tetra-packed juices. Pero imbis na alukin muna ang pasahero, tanong na “Ilan?” kaagad ang ibubungad niya sa pasahero.
Dahil animo’y konduktor na naniningil, ang walang kamalay-malay na pasahero naman ay magsasabi kung ilan silang magbabayad para sa pasahe.
Matapos makuha ang pera, mula sa kung saan man ay kukuha ng tetra-packed juice ang scammer at iaabot sa nagbayad na pasahero.
Sakaling tumanggi ang biktima, kukuwestyunin agad ito ng kolokoy at hindi papayag dahil naitusok na niya ang straw sa juice.
Ang masama, kung minsan dahil wala nang pagkakataon para sa biktima, nagagawa pa ng mga putok sa buhong taasan ng hanggang sa sampung ulit ng orihinal na presyo ang tetra-packed juice na kanilang ibinebenta.
Matagal na namayagpag ang ganitong estilo ng panloloko at panggagantso sa mga nagdaang taon. Sino ang mag-aakala na hanggang sa ngayon, patuloy pa rin ang ganitong uri ng modus operandi ng mga kawatan.
Isa sa mga ugali ng mga dorobong nasisiwalat ang estilo ng panggagantso ay mananahimik ng panandalian.
Naghihintay lamang sila na mamatay ang isyu dahil sa oras na maramdaman nila ito, malaki ang posibilidad na bumalik sila sa dating-gawi ng panloloko sa mga tao.
Kaya naman payo ng BITAG sa ating mga kababayan, kuwidaw dahil baka ikaw na ang susunod na maging biktima ng nagbabalik na Zesto Gang!
- Latest
- Trending