WOW, bago ito: Idineklara ng United Nations kamakailan ang Marso 20 ng bawat taon bilang International Day of Happiness.
May senyales ito: Kulang na sa kaligayahan ang ating magulong daigdig.
Hindi nagkakasundo ang mga bansa, gaya nang sigalot ng Pilipinas at China sa Scarborough Shoal. Laganap ang digmaan sa ilang bansa tulad sa Gitnang Silangan. Dahil sa krisis sa ekonomiya lalu na sa mga bansang dating tinatawag na economic power, paano liligaya ang mga mamamayan ng mundo?
Sinasabi sa Proverbs 17: 22 “a merry heart works like medicine.” Kaso puwede bang maglabas ng batas na oobliga sa lahat na maging maligaya?
Kaunti na lang yata ang masayang tao. Marami akong nakakasalamuhang hindi na naniniwala sa Diyos. Kung may Diyos daw bakit laganap ang kahirapan at kasamaan.
Hindi masisisi ang Diyos. Ang bilin niya ay “magmahalan” ang bawat tao.
Kung laganap ang kahirapan, ito’y dahil maraming sakim na hindi marunong magmahal sa kapwa. Kung may patayan at nakawan, tao ang may kagagawan dahil hindi tumutupad sa bilin ng Diyos na tayo’y magmahalan. Kung nagkakaroon ng mga delubyo, ito’y dahil sa kasalahulaan ng maraming hindi maayos magtapon ng basura at yung mga ganid na namumutol ng punongkahoy sa kabundukan.
Kung nagpaparusa mang matatawag ang Diyos, hindi nanggagaling sa kanya ang kaparusahan kundi sa atin na mismo. Wika nga’y epekto ng ating mga palsong ginagawa.