MPD-Traffic Bureau, palalayasin na!

NAGTUNGO ako sa Manila Police District-Traffic Ma­nage­ment Bureau sa Atlanta St., Port Area, Manila, upang kumpirmahin ang napabalitang inaapura na ng Philippine Port Authority ang pagpapalayas sa headquarters ng MPD-TMB. Ngunit hindi ko inabot ang hepe na si Supt. Reynaldo Nava dahil abalang-abala sa pagsasa-­ayos ng trapiko sa Maynila. Isinasakripisyo ni Nava ang kanyang sarili at ranggo upang makatulong sa kakulangan ng pulis-trapiko. Kaya kung hindi man ninyo nadadatnan si Nava sa kanyang opisina huwag ninyong isipin na nagbubulakbol siya. Pambihira ang kasipagan ni Nava sa lahat ng mga opisyal na aking nakilala.

Kung ang ilang opisyales ng PNP ay kuntento na sa kamamando sa kanilang tauhan sa malamig na opisina at nag-aantay ng datung na galing sa panghaharabas sa mga motorista, si Nava, umulan man o umaraw makikita n’yong nagtatrapik. Ganyan ang karapat-dapat na opisyal ng pulis ang nararapat na iluklok ni PNP chief Dir. Gen. Nicanor Bartolome. Ngunit sadya yatang pinagkakaitan ng tadhana ang MPD-TMB dahil kabi-              lang na sa iskuwater ang kanilang headquarter. At balita ko nakatakdang ilipat ang MPD-TMB sa ilalim ng tulay ng Delpan flyover, dahil ito lamang ang bakanteng lote na puwede nilang pagkutaan.

 Naikukumpara ko ang Maynila sa Quezon City.     Ang layo talaga ng QC! Sa QC mga suki, ang gaganda at matatatag ang mga himpilan ng pulis doon matapos ipagawa ni dating mayor at kasalukuyang House Speaker Sonny Belmonte. Subalit sa Maynila, walang permanenteng himpilan ang mga pulis. Iskuwater sila. Ano ba ‘yan Mayor Lim? Kaya siguro hindi iginagalang ang mga traffic policemen ng Maynila dahil sa pagiging eskuwater nito.

Ibinulalas ng ilang pulis ang nangyaring panduduro ng drayber na si Danilo Constantino kay SPO2 Arthur Ventura nang masita ito na nag-counter flow sa trapik sa Abad Santos Avenue at Tayuman Street, Tondo, Manila. Halos matunaw sa kahihiyan si Ventura ng duru-duruin ni Constantino nang kinukuha ang lisensya nito upang matikitan. Hindi pa nakuntento si Constantino sa panghihiya kay Ventura, sinabi pa nito na kapatid siya ni Allan Constantino, chief ng wrecker ng Manila City Hall at nagbanta na magsasampa ng kaso sa PLEB.

Abangan!

Show comments