NAPAG-USAPAN namin ng aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ang resulta ng 2011 Survey on Children na isinagawa ng National Statistics Office (NSO). Base sa survey, umaabot sa 5.59 milyong kabataang Pilipino na edad 5-17 ang puwersado nang naghahanapbuhay. Ayon kay Jinggoy, ang child labor ay modern day slavery practice at kailangang sugpuin.
Ipinagbabawal ng Republic Act 9231 (Elimination of the Worst Forms of Child Labor) ang pagpapatrabaho ng mga batang wala pang 15 taong gulang maliban lang sa mga espesyal na sitwasyon. Isinasaad din ng batas na ang mga naghahanapbuhay namang kabataan na edad 15-18 ay hindi dapat pagtrabahuhin nang mahigit walong oras bawat araw.
Ipinagbabawal ng Department of Labor and Employment (DoLE) Order 04-1999 ang pag-eempleyo ng mga below-18 years old sa itinuturing na difficult conditions tulad ng pagtatrabaho nang mahabang oras o kaya ay sa gabi.
Mapait ang riyalidad na maraming kabataan ang napipilitang maghanapbuhay upang kumita at nang maipambili ng pagkain, maipantutustos sa pag-aaral o maipantutulong sa pamilya. Nakasusuklam naman na may mga negosyanteng sinasamantala ang mga kabataang nasa ganitong situwasyon.
Dapat tiyakin ng pamahalaan ang pangangalaga sa mga kabataan, partikular ang kanilang maayos na pag-aaral, upang sila ay maging masaya at produktibong mamamayan sa kanilang paglaki.
Nanawagan si Jinggoy sa DoLE at Philippine National Police na paigtingin ang paglaban sa child labor, ipasara ang mga kompanyang sangkot sa ganitong gawain at kasuhan ang mga negosyanteng nagpapatakbo ng mga kompanyang ito.
* * *
Birthday greetings: Rep. Pedro Romualdo ng Camiguin (June 29); at Reps. Orlando Fua ng Siquijor at Rogelio Espina ng Biliran (June 30).