PATINDI nang patindi ang trapik sa Metro Manila. Halos wala nang galawan ang mga sasakyan. Marami nang nagmumura sapagkat lagi nang atrasado sa pagpasok sa kanilang trabaho at ganundin ang mga estudyante sa kanilang klase. Halos araw-araw, ay grabeng trapik ang nararanasan sa maraming lansangan sa Metro Manila at tila walang magawang solusyon ang awtoridad. Ang masaklap pa, kung kailan kailangan ang mga traffic enforcers para mangasiwa sa trapiko, saka sila nawawala sa puwesto.
Mula pa noong magbukas ang klase noong Hunyo 4, grabeng trapik na ang bumulaga sa mamamayan. At lalo pang lumala nitong magsimulang dumalaw ang mga bagyo. Kahapon, kahit umalis na ang bagyong “Dindo” malakas pa rin ang ulan at nagdulot na naman ng grabeng pagsisikip ng trapiko. Usad-pagong ang mga sasakyan hindi lamang sa EDSA, Roxas Blvd. Commonwealth Ave., Rizal Avenue kundi maging sa mga lugar na malapit sa eskuwelahan.
Hindi masasabing ang pag-ulan ang dahilan ng trapik sapagkat hindi naman gaanong malakas at hindi nagbabaha. Ang tunay na dahilan ay ang mga hindi pa natatapos na paghuhukay o pagsasaayos sa mga kalsada. Marami sa mga hinukay at binutas-butas na kalsada ay hindi pa natatapos gawin. Nagsimula pa ang proyektong ito ng Department of Public Works and Highways (DPWH) noong Marso bago ang Mahal na Araw. Sabay-sabay ang mga proyekto ng DPWH at nangakong bago ang opening ng school ay kanilang tatapusin.
Pero pumalpak ang kanilang pangako sapagkat hanggang ngayon, 60 porsiyento pa lamang ang natatapos. Ang kanilang ginagawang kalsada sa Gov. Forbes, Laon-Laan at Dimasalang Sts. sa Sampaloc ay patunay sa kanilang pumalpak na pangako. Parusa sa mga motorista ang ginagawang kalsada, na walang makitang senyales kung kailan matatapos.
Walang ipinagbago ang DPWH na kung kailan tag-ulan at opening ng klase saka naghuhukay at nagsasaayos ng mga kalsada. Hindi pa rin nababago ang kanilang sistema. Hindi angkop sa “tuwid na landas” na sinasabi ni President Aquino. Tapusin na ang paghuhukay para matapos na ang penetensiya.