SA panahong ito, magtataka ka talaga kung bakit marami pang nalolokong mga tao, kahit ilang beses nang laman ng balita ang mga nahuhuli at nakukulong na manloloko! Iisipin mo na matututo na ang mga tao sa mga stilo at pamamaraan ng mga manloloko, pero hindi! Meron at meron pang maloloko! Lalo na kapag ang ginagamit na pamamaraan sa panloloko ay relihiyon.
Si Antonio Dumala Faelnar, lider ng isang kulto ay nahatulan ng 12 habambuhay na pagkabilanggo dahil sa panggagahasa ng mga menor de edad na tagasunod. Noong 2006, sinalakay ng mga pulis ang kanyang “simbahan”. Ang sabi raw ni Faelnar sa kanyang mga tagasunod ay hindi nila pag-aari ang kanilang katawan kaya dapat ialay sa Diyos. E siya pala ang diyos sa simbahan na iyan! Pero akalain mong may maniniwala sa ganyang klaseng pangangatwiran! Talagang may sa demonyo ang dila ni Faelnar na napaniwala niya ang ilang miyembro ng kanyang kulto, bago natauhan at namulat na ginagahasa lang sila!
Ganun nga talaga ang mga manloloko. Magagaling magsalita, magaling magkumbinsi na ang kanilang sinasabi o hinahandog ay totoo at walang kasamaan. Na ang kanilang negosyo ay legal at siguradong walang talo. Na sila’y mga sugo ng Diyos na dapat sundan sa kadulu-duluhan ng mundo! Mga ilang halimbawa lang ng panloloko. At hindi lang mga inosenteng batang mangmang ang nabibiktima, kundi mga aral ding tao! Kaya talagang may gayuma at tamis ang mga salita na manggagaling lang sa prinsipe ng kadiliman!
Kaya sana matuto na tayong lahat, lalo na kapag relihiyon ang ginagamit para mangumbinsi na sila’y mga sugo ng Diyos. May kasabihan na ang relihiyon ay ang opium ng masa, kaya madaling malulong sa relihiyon. Kapag may matamis magsalita riyan at ang mga tinuturo ay taliwas sa mga turo ng simbahan, katulad ng hindi ko talaga maintindihang pagtuturo ni Faelnar, iwasan o ipaalam na kaagad sa mga otoridad. Hindi natin alam kung ilan na ang bihag sa mga “simbahan” nila, katulad nga ng ginawa nitong Faelnar. Matagpuan na niya sana ang tunay na Diyos na hahatol sa kanyang mga ginawang kademonyohan!