Tumitinding siraan ng drug companies

SA tindi ng kompetisyon, nagsisiraan sa ads ang drug companies. Halimbawa, nilalait ng mga dayuhang gumagawa ng gamot ang lokal na herbal medicines na walang bisa’t maruruming dahon-dahon. Naaasiwa ang mga doktor, iskolar at opisyales ng Department of Health. Hindi sila mapakali. Ito’y dahil matagal nang subok, kaya isinusulong ng DOH, ang “sampung katutubong gamot.”

Ayon sa Philippine Institute of Traditional and Alternative Health Care, ang 10 ay: Akapulko, ampalaya, bawang, bayabas, lagundi, niyog-niyogan, pansit-pansitan, sambong, tsaang gubat, at yerba buena.

Bukod sa 10 herbals, daan-daan pang iba ang nakakagamot. Ang talaan ng PITAHC ay batay sa lokal at pangdaigdigang saliksik. Higit sa lahat, sa kasaysayan. Noon pa mang ika-16 hanggang 17 siglo, inilista na ng mga prayleng Kastila ang halamang panggamot ng Pilipinas. Pinaka-sikat ang Manual de Medicinas Caseras ni Fr. Fernando de Sta. Maria, nilimbag nu’ng 1763. Ginamit sa mga kolehiyong medisina at pharmacia noon ang mga akda nina Padre Manuel Blanco (Flora de Filipinas) at Blas dela Madre de Dios. Sinundan ito nu’ng 1892 ng malawakang Plantas Medicinas de Filipinas ni Dr. T.H. Pardo de Tavera.

Nasasanib sa Chamber of Herbal Industries of the Philippines Inc. ang mga gumagawa ng herbals. Hindi lahat ng kasapi ay nasa larangan ng 10 katutubong gamot. “Health supplements” ang turing sa iba’t iba pang herbals. Inoobliga sila ng Food and Drug Administration na mag-label sa produkto ng, “Hindi ito gamot at kailan man ay hindi dapat gamiting panggamot sa anumang uri ng sakit.”

Nakakatakot daw ito, anang CHIPI. Mungkahi nila: “Ito ay food supplement, at hindi pampalit ng gamot sa reseta ng doktor.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

Show comments