WALA nang sinasanto ang mga kriminal. Mantakin n’yo kahit pulis ay sina-salvage. Noong Linggo, nasagap ko ang balita hinggil sa pamamaril kay SPO2 Teofilo Panlilio sa Isla Puting Bato, Tondo, Manila. Agad akong nagtanong sa mga kasamahan nito na naka-assign sa gate ng MPD headquarters, subalit wala silang impormasyon na maibigay at ang tanging nasabi ay masaya pa umano si Panlilio nang lisanin ang kanyang duty ng Sabado ng gabi kasama ang kanyang asset na nagngangalang Jennifer Clemente, alias “Bangenge”.
Maging ang cell phone ni Panlilio ay hindi makontak kaya ang mga imbestigador ni Sr. Insp. Joey Ocampo ay ginalugad ang mga ospital sa kapaligiran ng Tondo subalit wala roon. Noong Lunes, nagtungo ang tunay na asawa ni Panlilio sa MPD General Assignment section upang i-blotter ang pagkawala nito. Hanggang makatanggap sila ng tawag mula sa Navotas Police na may isang babaing lulutang-lutang sa baybaying dagat ng Navotas. Agad na tinungo ng mga imbestigador ng homicide at doon nakilala ang babae na si “Bangenge” ang kasama ni Panlilio ng gabing mawala ito. Nanghilakbot ang mga taga-MPD nang makatanggap ng tawag mula sa Navotas na may isang lalaking natagpuang patay at lulutang-lutang sa tabing dagat ng Navotas. Nakumpirma ng MPD Homicide Investigators na si Panlilio nga ang nakitang patay.
Pinahirapan ng mga kriminal si Panlilio. Matapos tadtarin ng bala ng cal. 45 ay tinapyas pa ang kaliwang tainga. Malaking palaisipan sa mga taga-MPD ang pagkamatay ni Panlilio dahil lumalabas na may relasyon ang babae sa buhay nito bukod sa pagiging asset sa droga. Patuloy ang pag-aaral sa kaso ni Panlilio kung ano talaga ang motibo at kung saan talaga pinatay. Kung pagbabasehan ang unang inpormasyon na nasagap ng taga-homicide noong Linggo ng gabi tiyak sa Isla Puting Bato nga pinaslang ang dalawa.
Matagal nang problema ang patayan at bentahan ng droga sa Isla Puting Bato dahil protektado ng ilang residente ang drug pushers at drug dens. Mukhang paghahamon na sa kakayahan ng taga-MPD ang pagpatay sa walang kalaban-laban na si Panlilio. Calling MPD director Chief Supt. Alejandro Gutierrez, pakilusin mo ang iyong mga tauhan para malambat agad ang may kagagawan kay Panlilio. Abangan!