SABI ng Catholic Bishop’s Conference of the Philippines (CBCP), ayaw nilang manghusga ng mga pari na nagdedesisyong mag-asawa. Ngunit may paraan naman daw na umalis ng Simbahan ang mga ito at may prosesong dapat sundin. Hindi raw talaga binabasbasan o kinikilala ng Simbahan ang mga kasal, pangumpisal, blessing o anupamang opisyal na gawain ng isang pari na nag-asawa. Iyun nga ang siste. Ang mga pari na ito tulad ni Fr. Hector Canto ay patuloy na gumaganap na pari sa kanilang komunidad at Simbahan. Alam naman daw ng kanilang mga mananampalataya na sila’y may asawa.
Ang pagdadahilan ni Fr. Hector: Hindi naman daw nababawasan ang kabanalan at pagkataimtim at sinsero ng kanilang trabaho para sa Diyos dahil lang sa sila ay may asawa. At wala nga namang nakasulat sa Bibliya na bawal mag-asawa ang isang disipulo o pari. Mayroon ba? Darating ba ang panahon na magiging bukas na ang Simbahan sa isang debate? Hindi raw natural sa isang lalaki ang hindi magkagusto sa babae. Bakit nga naman daw taliwas ang gusto ng Simbahan sa natural na likha ng Panginoon? Bakit ang mga pastor sa ibang relihiyon ay maaaring magkapamilya?
Hindi naman daw nababawasan ang kalidad ng trabaho para sa kanilang trabaho para sa Diyos? Sa mga bansang sakop ng Katolisismo ay maraming bagay ang makikitang pare-pareho: Ang di-pag-usad nang mara-ming bagay o batas na matagal nang umusad sa mga mayayamang bansa na di sakop ng Katolisismo tulad ng diborsyo o sex education sa eskuwelahan. Kaya, good luck na lang sa ilusyon na kailanman ay magbabago ang mga panuntunang ito ng Simbahang Katoliko sa Pilipinas.