MATAGAL nang nagsasama sina Jimmy at Estela pero wala silang anak.
Iyon marahil ang dahilan kaya natukso si Jimmy na mambabae. Si Jimmy ay kartero.
Ang pambabae ni Jimmy ay nagbunga ng dalawang anak na lalaki. Pero kahit nambabae si Jimmy, hindi pa rin nasira ang pagsasama nila ni Estela. Pinayagan pa nga ni Estela na tumira sa kanila ang dalawang batang lalaki at inaalagaan nilang mag-asawa. Pinabinyagan ni Jimmy sa Simbahang Katoliko ang dalawang bata at nakasulat sa baptismal certificate na siya ang ama. Natutunan na ni Estela na tanggapin ang katotohanang may ibang babae si Jimmy.
Nagkasakit si Jimmy ng tuberculosis dahil na rin sa trabaho niya bilang kartero. Hanggang mamatay siya. Nakakuha ng benepisyo sa dating Workmen’s Compensation Commission si Estela at ang dalawang anak na bastardo ni Jimmy. Ngunit nagkaroon ng kuwestiyon ang pagbibigay ng benepisyo sa naulilang anak ni Jimmy. Ayon daw kasi sa batas na sinusunod ng ahensiya, hindi papasok sa tinuturing na “dependents” ang dalawang bata. Ang tanging may karapatan daw sa benepisyo ay ang anak na lalaki o babae na hindi hihigit sa 18 taong edad, hindi kayang suportahan ang sarili at wala pang asawa. Kasama raw ba sa salitang anak (maski lalaki pa siya o babae) ang mga anak sa labas na kinilala ng magulang at umaasa ng suporta sa magulang bago pa magkasakit ang huli? Ang dalawang batang menor de edad ba ay may karapatan na makiparte sa benepisyo mula sa namatay na ama?
HINDI. Dapat munang mapatunayan na si Jimmy nga ang ama nila sa pamamagitan ng kusang loob o sapilitang pagkilala sa kanila bilang anak. Ang pagkilalang kusang loob ay sa pamamagitan ng birth certificate, testamento, testimonya sa Korte o ano mang tunay na kasulatan. Ang sapilitang pagkilala ay sa pamamagitan ng pagsampa ng petisyon sa Korte, kung saan inatasan ng Korte na kilalanin niya ang dalawang bata bilang anak.
Sa kasong ito, wala namang petisyon na isinampa sa Korte o anumang dokumento ng kusang loob na pagkilala. Ang tanging dokumento na ebidensiya ng dalawang bata ay ang baptismal certificate na hindi naman ang kanilang ama ang sumulat kundi ang pari na nagbinyag sa kanila. Walang naging partisipasyon si Jimmy sa paggawa ng certificate at magagamit lang ito na katibayan na sila ay bininyagan pero hindi ito sapat upang patunayan na si Jimmy nga ang kanilang ama. Tungkol naman sa ginawang pagkupkop ni Jimmy at pagsuporta sa dalawang bata, magagamit itong ebidensiya ng “compulsory recognition”. Ang kaso nga lang, hindi naman nagsampa ng kaso sa korte ang dalawang bata o kahit pa ang kanilang ina upang ipilit kay Jimmy na kilalanin ang dalawang bata bilang kanyang mga anak (Republic vs. Workmen’s Compensation Commission, 13 SCRA 272).